top of page

Nasa 10,000 kawani ng pamahalaan sa New Zealand, magwewelga sa Setyembre 9

Sari Story

September 2, 2026 at 8:22:27 AM

Larawan ng Watawat ng New Zealand

Larawan ng bandila ng New Zealand

Kuha ni Kerin Gedge/Unsplash via Wix

WELLINGTON – Tinatayang nasa 10,000 mga kawani ng pamahalaan sa New Zealand ang magkikilos-protesta sa Setyembre 9, 2026. Ito ay matapos hindi makabuo ng kasunduan ukol sa sahod at working conditions sa kanilang mga negosasyon, ayon sa kanilang unyon nitong Martes.


Kabilang sa mga sasali sa welga ang mga empleyado ng Department of Internal Affairs, National Emergency Management Agency, Ministry for Ethnic Communities, Ministry of Business, Innovation and Employment at Ministry of Social Development, ayon sa Public Service Association (PSA).


Dagdag-pasanin sa pamahalaan ang planong welga bago ang pambansang eleksyon sa Nobyembre 7, kung saan ipinapakita ng mga opinion poll na dikit ang labanan. Mula nang manungkulan ang administrasyon noong 2023, nagpatupad na sila ng mga pagbabawas sa gastusin sa pampublikong sektor, at nagbawas din ng bilang ng mga manggagawa.


Ayon sa PSA, inalok ang mga empleyado ng taas-sahod pero mas mababa sa inflation, habang patuloy na nadaragdagan ang kanilang workload at nahaharap sa pressure ng paghahatid ng  maayos na serbisyo sa kabila ng budget at workforce cuts.


"Public servants are facing pay offers well below inflation while working amid the devastating consequences of the Government's public service cuts," sabi ni PSA National Secretary Duane Leo sa isang pahayag.


Nakatakda ring magsagawa ng mga protesta at rally sa iba't ibang bahagi ng bansa.


Nauna nang nagsagawa ng mga kilos-protesta ang ilang empleyado ng pamahalaan. Kabilang dito ang strike noong Hulyo 6 na nilahukan ng mga manggagawa ng Department of Internal Affairs, NEMA at Ministry for Ethnic Communities.


bottom of page