Nanganganib na pagkatuyo ng lawa sa Greece, nagpapakita ng mabilis na epekto ng climate change
Sari Story
October 2, 2026 at 3:32:54 AM
Bago matamaan ng tagtuyot, isang protektadong wetland ang Koroneia Lake sa hilagang Greece na nagsisilbing kanlungan ng libo-libong migratory at water birds, kabilang ang mga flamingo, at dinarayo rin ng mga turista, mangingisda at magsasaka.
Ngayon, matapos ang isang dekadang mababang pag-ulan at labis na paggamit ng tubig para sa irigasyon, lumiit na sa wala pang isang-sampung bahagi ng dating laki nito ang Koroneia, na dating ikalimang pinakamalaking lawa sa Greece, ayon sa datos mula sa National Observatory of Athens. Ang natitirang tubig ay naiipon sa serye ng malalabo at maputik na lawa-lawa, habang ang lumitaw na lawa ay isa nang malawak na kapatagan ng putik na bitak-bitak at pumuti dahil sa maraming taong matinding sikat ng araw.
Naging simbolo ang lugar ng epekto ng climate change at tagtuyot sa hilagang Greece, kung saan naging mas pabagu-bago ang pag-ulan at lalong desperado ang mga magsasaka na magbomba ng tubig mula sa lawa para sa kanilang mga pananim. Nakaapekto rin ang problema sa malaking bahagi ng Europe nitong tag-init, nang paliitin ng heatwaves at mababang pag-ulan ang mga ilog at lawa sa mga lebel na hindi nakita sa loob ng ilang dekada, na nakaapekto sa paghahatid ng mga produkto at nagpababa sa produksyon ng enerhiya.
“Alam namin ang lawa noong maganda pa ang kalagayan nito, may mga mangingisda, maraming tubig, magandang parke at magagandang tanawin na may mga ibon. Ngayon, pagkadismaya ang nakikita namin (We knew the lake in its good days, with fishermen, with plenty of water, a wonderful park, and beautiful scenes with birds. Today, what we see is a disappointment),” sabi ni Costas Hatzivoulgaridis, pinuno ng lakeside community na Agios Vassilios.
Mababang pag-ulan, mas maininit na panahon, malaking epekto sa lawa
Sinabi ng mga siyentista na nagsimulang lumiit ang suplay ng tubig sa lawa matapos ang maulang panahon mula 2015 hanggang 2016. Simula noon, pinatuyo ng mga taon ng mababang pag-ulan at higit sa karaniwang init hindi lamang ang tubig sa lawa kundi pati ang mga bukal na dating nagsusuplay rito.
Ipinapakita ng mga satellite image na inilathala ng National Observatory of Athens na lumiit ang lawak nito sa 2.7 square kilometers mula sa 34.4 square kilometers noong 2016.
“Ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng lebel ng lawa ay ang taunang pag-ulan sa catchment area nito, na nasa average na humigit-kumulang 400 millimeters sa loob ng hindi bababa sa nakalipas na limang taon. Mas mababa ito ng humigit-kumulang 150 millimeters kumpara sa mga nakaraang dekada (The main factor behind the lake's falling level is certainly annual rainfall in its catchment, which has averaged about 400 millimeters (15.75 inches) over at least the last five years. That is about 150 millimeters less than in previous decades),” sabi ni Dimitris Papadimos, pinuno ng water resources management and climate change sa National Wetland Center, mula sa kanyang tanggapan sa Thessaloniki.
Dahil din sa pagtaas ng average temperature sa lugar nitong mga nakaraang taon, nadagdagan ng 100 hanggang 150 millimeters kada taon ang evaporation, dagdag niya.
May bahagi rin ng problema na dulot ng aktibidad ng tao. Matagal nang kumukuha ng tubig sa lawa ang mga magsasaka para sa kanilang mga alagang hayop at pananim bilang tugon sa kakulangan ng ulan, ayon sa mga residente at opisyal.
Nang bisitahin ng isang Reuters reporter ang lugar noong nakaraang buwan, isang magsasaka ang gumagamit ng malaking bomba upang kumuha ng tubig mula sa natitirang bahagi ng lawa at idilig ito sa kanyang mga bukirin.
Sinabi ng mga awtoridad na nagsagawa sila ng mga hakbang matapos ipasiya ng isang korte ng European Union noong 2013 na nabigo ang Greece na protektahan ang Koroneia laban sa labis na paggamit ng tubig para sa irigasyon, ilegal na pagbabarena para sa tubig at polusyon.
Sinabi naman ni Petros Varelidis, secretary general for water resources ng Greek Environment Ministry, sa Reuters na mas mahigpit na ngayon ang monitoring upang mabawasan ang paggamit ng tubig para sa irigasyon.

