top of page

Pope Leo, nanawagan sa mga South American na pag-isahin ang mga bansang kanilang kinabibilangan at tuldukan ang pagkakawatak-watak

Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 8, 2026 at 5:15:33 AM

Larawan ni Pope Leo

Ipinagdiwang ni Pope Leo ang misa sa Parque Paris Londres sa kauna-unahang pagbisita ng isang Santo Papa sa Uruguay mula noong 1988, bilang bahagi ng kaniyang 12-araw na paglalakbay sa South America, sa Paysandú, Uruguay, noong Nobyembre 7, 2026

Reuters/Yara Nardi

PAYSANDÚ, Uruguay — Nanawagan si Pope Leo nitong Sabado sa mga mamamayan ng South America na tuldukan ang pagkakawatak-watak ng kanilang mga bansa sa pangunguna niya sa isang pagtitipon sa hangganan ng Uruguay at Argentina, na dinaluhan ng libu-libong tao, bilang bahagi ng kaniyang 12-araw na paglalakbay sa rehiyong nahaharap sa matinding pagkakahati sa pulitika.


Bilang bahagi ng ambisyosong pagbisita sa tatlong bansa hanggang Nobyembre 17, bumiyahe si Leo nang humigit-kumulang 378 kilometro mula Montevideo patungong Paysandú, isang sentrong pang-ekonomiya sa tabi ng ilog sa hilagang-kanluran ng Uruguay. Maraming tao ang naghintay sa labas magdamag sa kabila ng malakas na ulan, na humupa ilang sandali bago ang kaniyang pagdating. Siya ang kauna-unahang Santo Papa na bumisita sa lungsod.


Hinimok ng 71-anyos na Santo Papa ang mga mamamayan ng Latin America na pakitunguhan ang isa't isa nang may “katarungan, katapatan at paninindigan (justice, honesty and faithfulness)” Isa ito sa pinakamabigat na paglalakbay sa ibang bansa ng isang lider ng Simbahang Katolika sa nakalipas na ilang dekada, na naganap wala pang isang buwan matapos siyang sumailalim sa operasyon dahil sa kanser sa baga.


Si Leo, ang kauna-unahang Santo Papa na ipinanganak sa Estados Unidos, ay mananatili sa Uruguay hanggang Linggo. Ito ang unang bahagi ng kaniyang paglalakbay na magdadala rin sa kaniya sa Argentina at Peru. Inilarawan ng Vatican ang pagbisita bilang isang “pagbabalik sa tahanan (homecoming)"  para kay Leo, na ilang dekadang nagsilbing misyonero sa Peru at naging mamamayan ng bansa.


Inaasahang tatalakayin ng Santo Papa ang iba't ibang suliraning kinakaharap ng kontinente sa kaniyang paglalakbay, kabilang ang pagkasira ng kalikasan, ilegal na kalakalan ng armas at kawalang-katatagang pampulitika sa rehiyon. Mariin na rin niyang kinondena nitong mga nakaraang buwan ang direksiyon ng pamumuno sa buong mundo.


Sa kaniyang unang talumpati sa paglalakbay, na inihatid sa pamahalaan ng Uruguay noong Biyernes ng hapon, hinimok niya ang mga bansa sa South America na sama-samang harapin ang mga suliranin sa rehiyon at maging halimbawa sa pandaigdigang pagtutulungan.


Babalik si Leo sa Montevideo nitong Sabado ng hapon para sa ilang aktibidad, kabilang ang isang prayer vigil sa gabi na inaasahang dadaluhan ng humigit-kumulang 60,000 kabataan.


Sa Linggo ng hapon, tutungo ang Santo Papa sa Argentina, kung saan makikipagkita siya at magbibigay ng talumpati sa Pangulong Javier Milei, isang tagapagtaguyod ng libertarianismo at itinuturing na malapit na kaalyado ni US President Donald Trump. Binatikos ni Trump si Leo noong unang bahagi ng taong ito matapos punahin ng Santo Papa ang digmaan sa Iran.


— Mariana Nedelcu at Yara Nardi sa Paysandú, Joshua McElwee sa Montevideo; Ini-edit nina Lucinda Elliott at Hugh Lawson/Reuters


bottom of page