top of page

Nakaligtas sa bigong pagbitay sa US na si Christa Pike, pinalabas na ng ospital at ibinalik sa bilangguan

Sari Story

October 12, 2026 at 5:30:05 AM

Larawan ni  Luke Ihnen

Nagsalita sa isang press conference si Luke Ihnen, abogado ni Christa Pike, isang bilanggo sa death row na nakaligtas sa bigong pagbitay, matapos iharap sa korte sa Tennessee ang pinakahuling ulat tungkol sa kalagayan ni Pike. Kuha ang larawan sa labas ng isang silid-paglilitis sa Nashville, Tennessee, Estados Unidos, noong Oktubre 7, 2026.

REUTERS / Seth Herald

Pinalabas na noong Sabado si Christa Pike, isang bilanggo sa death row o nahatulang mamatay sa pamamagitan ng bitay, mula sa isang ospital sa Estados Unidos at ibinalik sa bilangguan. Patuloy siyang tatanggap ng pangangalagang medikal matapos ang bigong pagbitay sa kanya sa Tennessee, ayon sa kanyang mga abogado.


Ayon sa magkasamang pahayag ng kanyang mga abogado na sina Stephen Ferrell at Luke Ihnen ng Federal Defender Services of Eastern Tennessee, at Randy Spivey at Kelly Gleason ng Tennessee Office of the Post Conviction Defender, pinalabas na si Pike sa isang lokal na ospital at kasalukuyang nasa Debra K. Johnson Rehabilitation Center, kung saan siya nakakulong sa loob ng mahigit 30 taon.


Si Pike, na hinatulang mamatay sa pamamagitan ng bitay dahil sa isang pagpatay noong 1995, ay nagising sa ospital ngayong linggo na "galit at litong-lito" ("angry and confused"), at mahaba pa ang kanyang proseso ng paggaling matapos makaligtas sa pagtatangkang bitayin siya noong Setyembre 30, ayon sa kanyang mga abogado noong Miyerkules. Nauna nang inakala ng mga ito na maaaring tuluyan nang namatay ang paggana ng kanyang utak.


Sa edad na 50, dinala si Pike mula sa silid kung saan isinasagawa ang pagbitay patungo sa isang ospital sa Nashville. Wala siyang malay, nasa kritikal na kondisyon, at nagtamo ng malulubhang pinsala sa mga braso matapos mabigo siyang patayin sa pamamagitan ng dalawang beses na pagturok ng mga gamot sa Riverbend Maximum Security Institution.


Iniutos naman ng isang hukom sa Tennessee ngayong linggo sa mga opisyal ng estado na ingatan ang lahat ng ebidensiyang may kaugnayan sa nabigong pagtatangkang bitayin si Pike. Tinawag ito ng isa sa kanyang mga abogado na una sa maraming hakbang upang mapangalagaan at maipatupad ang kanyang mga karapatang konstitusyonal.


Sinuspinde ni Tennessee Governor Bill Lee ang lahat ng nakatakdang pagbitay sa natitirang bahagi ng taon habang iniimbestigahan ang nabigong pagbitay kay Pike at ang katulad na insidente na kinasangkutan ni Tony Carruthers noong Mayo. Sa naturang insidente, hindi nagawang maikabit ng mga opisyal ng bilangguan ang mga intravenous line na ginagamit sa pagbibigay ng gamot sa pamamagitan ng ugat.


bottom of page