top of page

Torre, nag-leave ng isang buwan habang iniimbestigahan ng LTO

Sari Story

September 9, 2026 at 9:21:37 AM

Larawan ni Nicolas Torre III

MMDA General Manager Nicolas Torre III

Philippine News Agency / Facebook page

MANILA – Nag-leave ng isang buwan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, epektibo nitong Martes, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) sa hindi awtorisadong paggamit ng plaka sa isang sasakyang pag-aari niya.


Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni MMDA Chair Don Artes na kusang nag-leave si Torre upang magkaroon siya ng sapat na panahon para makapagmuni-muni.


“Buong tiwala at kumpiyansa ako kay GM Torre pagdating sa kanyang trabaho. Iginagalang ng MMDA ang desisyon ni Gen. Torre at hinihiling namin ang kanyang kabutihan habang siya ay naka-leave. (I have full trust and confidence in GM Torre as far as his work is concerned. The MMDA respects Gen. Torre's decision and wishes him well during his period of leave),” ani Artes.


Dagdag niya, ipinauubaya ng ahensya sa LTO ang imbestigasyon.


“Walang opisyal, anuman ang posisyon o ranggo, ang exempted sa mga batas trapiko at patakarang ipinapatupad upang mapanatili ang kaayusan sa mga pangunahing lansangan. Nananatiling lubos na nakatuon ang ahensya sa mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon sa trapiko, pananagutan ng mga opisyal, at tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyo publiko. (No official, regardless of position or rank, is exempt from traffic laws and policies enforced to maintain order on major thoroughfares. The agency remains fully committed to the strict enforcement of traffic rules and regulations, public accountability, and continuous delivery of public service mandates),” aniya.


Tiniyak ni Artes na hindi maaantala ang operasyon ng MMDA sa kabila ng pag-leave ni Torre.


Ang pagliban ni Torre ay kasunod ng pagbawi ng LTO sa lisensya sa pagmamaneho ng driver ng sports utility vehicle (SUV) na pag-aari ni Torre dahil sa maling paggamit ng plaka.


Nag-ugat ang kaso matapos kumalat ang isang video na nagpapakitang minamaneho ang SUV na may mga marka ng MMDA, kabilang ang body number, sirena at blinker. Gayunman, sa beripikasyon ng LTO, lumabas na hindi tugma sa kanilang rekord ang plakang nakakabit sa sasakyan at nakarehistro ang SUV bilang pribadong sasakyan.

Naglabas ang LTO ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver noong Agosto 28, na sinundan ng isa pang SCO noong Agosto 29 laban sa rehistradong may-ari matapos lumitaw sa imbestigasyon ang ikalawang insidente na kinasasangkutan ng parehong sasakyan.


Nananatiling impounded ang SUV sa LTO Central Office, na may utos na alisin ang mga marka ng MMDA, sirena at blinker nito.


Nauna nang kinumpirma ni Artes na inamin ni Torre na siya ang may-ari ng sasakyang nakuhanan ng video habang bumibiyahe sa EDSA Busway.


bottom of page