top of page

Mga virus, kumakalat sa Havana habang lumalala ang krisis sa tubig at kuryente

Sandra Samala-Salem

September 30, 2026 at 4:36:27 PM

Larawan ng mga lalagyan ng tubig sa isang kariton at isang lalaki

Mga lalagyan ng tubig sa isang kariton habang may lalaking nagdadala ng mga kahon ng itlog sa isang kalsada, habang nagpapahirap sa pagpapanatili ng kalinisan ang kakulangan sa tubig at kuryente kasabay ng pagdami ng mga viral illness sa Havana, Cuba, Setyembre 24, 2026.

Ricardo Arduengo / Reuters

Noong Martes, mahimbing na natutulog ang Cuban housewife na si Yuamilka Hechavarria nang biglang dumaloy ang tubig sa imbakan ng tubig ng lumang apartment building na tinitirhan niya sa Old Havana.


Agad siyang bumangon at sa gitna ng dilim dahil sa pagkawala ng kuryente, dali-daling pinuno ang isang timba bago muling natuyo ang gripo. Unang pagkakataon iyon na nagkaroon ng tubig ang kanilang gusali matapos ang dalawang buwan.


Ganito ang araw-araw na sitwasyon sa mga komunidad sa Havana, kabisera ng Cuba, kung saan lalo pang pinalala ng pagkawala ng kuryente na dulot ng blockade ng langis ng Estados Unidos ang dati nang sira-sirang imprastraktura na nagsusuplay ng tubig sa halos dalawang milyong residente ng lungsod. Marami sa kanila ang ilang araw o linggo na walang dumadaloy na tubig.


Kalinisang pangkalusugan ang isa sa mga unang naaapektuhan ng sitwasyon, ayon kay Hechavarria, isang healthcare worker na ilang linggo nang napipilitang bumili ng tubig sa mga nagtitinda sa kalsada o kumuha nito mula sa mga sirang tubo sa paligid.


Laganap ang pagdudumi sa kanilang gusali, aniya, habang hirap ang mga residente na mapanatiling malinis kahit ang maliliit nilang apartment.


“Walang kahit isa sa gusaling ito ang hindi nagkasakit (There's no one in this building who hasn't gotten sick),” sabi ni Hechavarria, at idinagdag na nagpapagaling din siya mula sa kamakailang lagnat at pagdudumi.


Nagbabala na rin ang mga opisyal sa Estados Unidos at Cuba hinggil sa sitwasyon.


Nagbabala nitong mga nakaraang araw ang mga awtoridad pangkalusugan sa Cuba tungkol sa pagkalat ng mga virus, kabilang ang isang strain ng viral hepatitis, habang lalong nagkakaproblema ang suplay ng kuryente at tubig. Samantala, naglabas ang US ng health alert nitong unang bahagi ng buwan na nagbabala sa mga biyahero at residente tungkol sa “malaking pagtaas ng mga kaso ng diarrhea sa buong Cuba, na may kaugnayan sa patuloy na paglala ng kondisyon ng water at energy infrastructure (significant increase in diarrheal illness across Cuba, associated ​with the continuing degradation of the water and energy infrastructure).”


Mula nang magpatupad ang US ng fuel blockade noong Enero, regular nang lumalagpas sa 24 oras ang pagkawala ng kuryente sa Havana, na nakaaapekto sa refrigeration at lalong nagpapahirap sa paggamit ng lumang sistema ng suplay ng tubig, na halos 90% ay umaasa sa mga pump na pinapagana ng kuryente, ayon sa National Institute of Hydraulic Resources ng Cuba.

Tinatayang 3.5 milyong tao, o halos kalahati ng populasyon ng isla, ang nakararanas ngayon ng kakulangan sa tubig, ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs.


Walang takas sa bagong realidad


Ang bahay ni Hechavarria—isang maliit at kulob na isang-silid na tirahan na pinagsasaluhan nila ng kaniyang 7-anyos na anak at asawa—ay ikakabahala ng sinumang doktor, sa kabila ng kaniyang pagsisikap na mapanatili itong maayos at malinis.


Tatlongpung pamilya ang nakatira sa magkakasing-sikip na mga tirahan sa parehong maliit na dalawang-palapag na gusali.


Nasira ang refrigerator niya dahil sa kamakailang power surge, kaya wala na siyang magamit para mapanatiling sariwa ang pagkain. Sa halip, ginagamit niya ito sa pag-iimbak ng gamot, beans at bigas.


Nagkalat ang mga plato sa kitchen counter at lababo. Ginagamit niyang muli ang maruming tubig mula sa paghuhugas ng pinggan para linisin ang sahig o mag-flush ng inidoro. Gumagamit lamang siya ng sabon kapag kaya niyang bumili nito.


Samantala, tungkulin ng kaniyang asawa na itulak ang isang sariling-gawang kariton na may dalawang malalaking dram patungo sa isang tubo na nakausli sa pader ng isang paaralan sa kanilang lugar, kahit isang beses kada linggo.


Kung may klase at may kuryente, pinapagana ng paaralan ang electric pump na nagpapadaloy ng tubig mula sa tubo papunta sa isang eskinita.


Isang kamakailang umaga, dumating sa lugar ang kapitbahay nilang si Andres Jimenez, isang 76-anyos na retiradong metal worker, kasabay naman ng pagkawala ng kuryente. Kaunting patak na lamang ng tubig ang natitira.


“Kapag walang kuryente, hindi nila pinapagana ang pump (if there's no power, they don't run the pump),” sabi niya.


Kailangan muna niyang ipagpaliban ang pag-aalala tungkol sa kalinisan, dagdag niya.


Sinabi naman ng nurse na si Maria Elena Parlado, na nakatira sa malapit at nagtatrabaho sa isang klinika sa kanilang komunidad, na wala nang takas sa bagong realidad.


“Tumingin kayo sa paligid (Look around us),” sabi niya habang itinuturo ang isang tambak ng basura sa gilid ng kalsada, katabi ng maliit na agos ng maruming tubig na dumadaloy sa sidewalk.


Maging ang klinika kung saan ginagamot niya ang mga residente sa lugar na tinatamaan ng mabilis kumalat na viral outbreaks ay walang tubig, aniya.


“Sa pagitan ng isang pasyente at ng susunod, dapat naghuhugas ako ng kamay, pero minsan hindi ko magawa (Between one patient and another I should be washing my hands, but sometimes I can't).”

bottom of page