Mga siyentipiko, inaasahang bababa ngayong taon ang pandaigdigang carbon emissions mula sa fossil fuels
Sarah McFarlane / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
November 10, 2026 at 1:19:29 AM
LONDON — Inaasahang bababa ngayong taon ang pandaigdigang carbon emissions mula sa fossil fuels dahil sa mataas na presyo ng enerhiya at lumalawak na paggamit ng renewable energy. Gayunman, sinabi ng isang grupo ng mga internasyonal na siyentipiko nitong Martes na masyado pang maaga upang sabihing naabot na ng emissions ang pinakamataas na antas nito.
Ayon sa Global Carbon Project, inaasahang bababa nang 0.4 porsiyento ang emissions kumpara sa rekord na naitala noong nakaraang taon, at aabot sa 38.2 bilyong metriko tonelada ang maitatalang carbon dioxide.
Sinabi ng mga siyentipikong lumahok sa ulat na kailangang pabilisin pa ang paggamit ng renewable energy upang masiguro ang mas tuluy-tuloy at malinaw na pagbaba ng carbon emissions.
“Ang pagbaba ng emissions sa loob ng isang taon ay hindi nangangahulugang naabot na nito ang pinakamataas na antas, maliban kung bunga ito ng mga pangmatagalang pagbabago sa sistema (A drop in emissions in one year is not a peak unless it is driven by structural change),” ayon kay Glen Peters, research professor sa CICERO Center for International Climate Research.
Inihanda ang ulat ng mahigit 140 siyentipiko mula sa iba't ibang panig ng mundo. Natuklasan dito na bumaba nang 1.9 porsiyento ngayong taon ang emissions mula sa langis, pangunahin dahil sa pagkaantala ng suplay dulot ng digmaan ng United States at Israel laban sa Iran.
Dahil dito, tumaas ang presyo ng enerhiya at nabawasan ang demand.
Ayon pa sa ulat, inaasahang bababa nang 0.3 porsiyento ang emissions mula sa natural gas kumpara noong nakaraang taon, habang posibleng tumaas naman nang 0.6 porsiyento ang emissions mula sa karbon.
Inaasahang magtatala ang China, ang pinakamalaking pinagmumulan ng carbon dioxide emissions sa mundo, ng 0.9 porsiyentong pagbaba sa emissions nito. Samantala, inaasahang bababa naman nang 1.3 porsiyento ang emissions ng United States, na ikalawa sa pinakamalaking pinagmumulan ng kabuuang emissions sa buong mundo, kumpara noong nakaraang taon.
-Sarah McFarlane; inedit ni Barbara Lewis/Reuters

