Mga protesta ng Gen Z sa Germany, nauwi sa karahasan; mga tindahan sa Frankfurt, nilimas
Kai Pfaffenbach, Tilman Blasshofer, Miranda Murray/Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
November 1, 2026 at 4:34:04 AM
Dinakip ng mga pulis ang isang demonstrador na nakasuot ng kasuotang Batman sa isang pambansang protesta na pinangunahan ng grupong pangkampanyang Gen Z regelt (Gen Z takes charge) laban sa kakulangan ng pondo para sa mga paaralan, pagbabawas ng pondo sa edukasyon, serbisyong panlipunan, kultura at pangangalagang pangkalusugan, pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, at sapilitang serbisyong militar sa Frankfurt, Germany, noong Oktubre 31, 2026.
Kai Pfaffenbach/REUTERS
FRANKFURT/BERLIN - Nilimas ng mga nakatalukbong na raliyista ang ilang tindahan sa Frankfurt noong Sabado ng gabi matapos magmartsa sa mga pangunahing lungsod ng Germany ang sampu-sampung libong demonstrador upang igiit ang mas maayos na edukasyon at pagbaba ng gastusin sa pamumuhay.
Kasunod ang mga protesta ng sunod-sunod na demonstrasyong pinangunahan ng Gen Z sa iba't ibang bahagi ng Europa ngayong taon. Sa Serbia, nakatulong ang kilusang pinangunahan ng mga estudyante upang mapatalsik sa pamamagitan ng halalan ang matagal nang namumuno sa bansa, habang nauwi naman sa kaguluhan at pandarambong ang mga protesta sa France.
Isinagawa ang mga protesta sa Germany na inorganisa ng grupong pangkampanyang “Gen Z regelt” — na nangangahulugang “Gen Z takes charge” — sa 34 na lungsod, kabilang ang Berlin, Frankfurt, at Munich. Ayon sa grupo, tinututulan nito ang sapilitang serbisyong militar at isinusulong ang mas malaking pamumuhunan sa edukasyon, sa gitna ng pagtaas ng mga gastusin na nagpapahirap sa maraming kabataang German.
Sa Frankfurt, na sentro ng pananalapi ng Germany, hindi bababa sa dalawang tindahan ang nilimas nang mauwi sa karahasan ang mga protesta. Ilang iba pang establisimyento ang napinsala habang sinisikap ng mga pulis na kontrolin ang sitwasyon, ayon sa isang saksi ng Reuters.
“Patuloy ang mararahas na kaguluhan (Violent disturbances are continuing),” pahayag ng pulisya ng Frankfurt sa X. “Sa sentro ng lungsod, binasag ang mga bintana ng ilang tindahan. Naghahagis din ng mga Molotov cocktail sa mga tauhan ng serbisyong pang-emerhensiya. Hinihiling namin sa lahat ng nasa paligid na iwasan ang sentro ng lungsod o lisanin ang lugar (In the city centre, windows have been smashed at several shops. Molotov cocktails are also being thrown at the emergency services. We urge all bystanders to avoid the city centre or to leave the area).”
Batay sa mga opisyal na bilang noong Sabado ng hapon, mas mababa ang bilang ng mga dumalo kumpara sa unang inaasahang 182,000 kalahok ng mga organizer. Iniulat ng mga pulis sa Frankfurt, Munich, at Berlin na umabot sa 18,000 ang mga nagprotesta, kalahati lamang ng humigit-kumulang 36,000 na nakasaad sa website ng mga organizer.
Ayon sa mga awtoridad ng Germany, karamihan sa mga demonstrasyon noong Sabado, na kasabay ng mga pagdiriwang ng Halloween, ay naging mapayapa. Gayunman, nagbabala sila sa pagtatangkang samantalahin ng mga ekstremistang grupo ang kilusan.
Sa Hamburg, sinunog ang ilang barikada.
“Narito kami ngayon upang ipaglaban ang kapayapaan at kalayaan, sa halip na digmaan at pamimilit (We are here today to fight for peace and freedom, rather than for war and coercion),” pahayag ni Lina Friedrich, tagapagsalita ng Gen Z regelt, sa Berlin noong Sabado.
“Pinakamahalaga sa amin ang mas maayos na suporta para sa mga sistema ng kalusugan at edukasyon. Tutol kami sa sapilitang serbisyong militar at pabor kami sa mas patas na paghahati ng mga pasanin (What matters most to us is better support for the health and education systems. We are against compulsory military service and we are in favour of a fairer distribution of the burden).”
MGA MAMAHALING TINDAHAN, NAGTAKIP NG MGA BINTANA
Ayon sa pederal na ministeryo ng interior, nakikiisa sa mga pagsisikap na mangalap ng suporta ang ilang bahagi ng dulong-kaliwang ekstremistang grupo sa Germany at ilang grupong may kaugnayan sa mga ekstremistang kilusan sa ibang bansa.
“Nasa isip nating lahat ang mga larawan mula sa France — pandarambong, pagsunog ng mga bahay at sasakyan ng pulisya, at pag-atake sa mga pulis (We all have those images from France in our minds — looting, burning houses, burning police vehicles, and attacks on police officers),” pahayag ni Roman Poseck, interior minister ng estado ng Hesse, kung saan matatagpuan ang Frankfurt, sentro ng pananalapi ng Germany.
“Hindi dapat gawing huwaran ang France sa bagay na ito (France must not be held up as a model in this regard).”
Ilang negosyo sa iba't ibang lungsod ng Germany ang nagtakip ng kanilang mga bintana at nagplanong magsara nang mas maaga bago ang mga demonstrasyon dahil sa pangambang magkaroon ng kaguluhan. Kabilang dito ang mga establisimyento sa kahabaan ng marangyang shopping boulevard na Kurfuerstendamm sa Berlin.
Itinampok ng mga organizer ang nakikita nilang tumitinding pasanin sa mga nakababatang henerasyon sa pinakamalaking ekonomiya ng Europa.
“Walang ibang tugon ang pamahalaan sa aming mga hinaing kundi ang patuloy na pagbabawas ng pondo at pagpapataw ng mas mabibigat na pasanin sa amin (The government has offered no response to our concerns other than to continue making cuts and piling further burdens upon us),” pahayag ni Steve, isang 18-anyos na nakatakdang magsalita sa isang pagtitipon sa Munich, bilang panawagan kay Chancellor Friedrich Merz.
“Patuloy naming gagamitin ang aming pangunahing karapatang magtipon hangga't hindi ninyo kami binabalewala (We will continue to exercise our fundamental right to assemble until you stop ignoring us).”
Nagsisikap ang Germany na pasiglahin muli ang paglago ng ekonomiya. Nahaharap din ang bansa sa tumitinding hamon sa mga pensyon at serbisyong pampubliko habang nagreretiro ang henerasyon ng mga ipinanganak noong panahon ng boomers at kumakaunti ang populasyong nasa edad na maaaring magtrabaho.
Nagdulot din ng mga katanungan kung sino talaga ang nasa likod ng kampanya at kung tunay nga itong pinangungunahan ng kabataan, dahil sa malawak na hanay ng mga grupong pampulitika at organisasyong panlipunang kasangkot dito.
Inihiwalay ng pambansang samahan ng mga mag-aaral sa paaralan ng Germany, ang BSK, ang sarili nito sa inisyatiba at planong magsagawa ng hiwalay na araw ng protesta sa Nobyembre 20.
Sinabi ni Sean Baker, isang estudyante sa Technical University of Berlin, na sasali siya sa mga protesta noong Sabado upang bigyang-pansin ang hindi maayos na kalagayan ng mga gusali sa kanilang kampus.
“Kapag pumasok ka sa loob at makita ang mga silid, para kang nasa isang abandonadong gusali (When you go inside and enter the rooms, it looks like an abandoned building),” pahayag niya sa Reuters. “Gayunman, dito kami inaasahang regular na mag-aral (Yet this is where we're expected to study on a regular basis).”

