Mga pinalayang bihag na Israeli, mas pinahahalagahan ang bawat sandali ng kanilang buhay matapos ang pagkakabihag
Sari Story
October 6, 2026 at 4:57:58 AM
(FILE PHOTO: Yakap ng 8-anyos na si Yuval Brodutch ang kanyang ama na si Avihai Brodutch, ilang sandali matapos silang muling magkita sa Israel noong Nobyembre 26. Dumating sa Israel ang asawa ni Avihai na si Hagar, kasama ang kanilang mga anak na sina Oria Brodutch, 4, Yuval Brodutch, 8, at Ofri Brodutch, 10, matapos silang bihagin ng militanteng grupong Hamas sa Gaza Strip. Makikita sa handout photo na ito noong Nobyembre 27, 2023, ang mag-ama sa Schneider Children's Medical Center of Israel.
Schneider Children's Medical Center of Israel / Reuters
May mga bihag na kasama ang kanilang mga anak nang dukutin, habang ang iba naman ay mag-isa. May ilang linggo o buwan na ikinulong, habang ang iba ay ilang taon. Itinago sila sa mga tahanan ng kanilang mga bihag o sa mga tunnel ng Hamas habang nagpapatuloy ang digmaan sa kanilang paligid. Ngayon, sinasabi ng mga dating bihag na Israeli na dinukot noong Oktubre 7 na mas pinahahalagahan na nila maging ang pinakamaliliit na sandali ng kanilang kalayaan.
Ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, ang itinuturing na pinakamadugong araw sa kasaysayan ng Israel. Sinalakay ng mga militanteng Hamas ang mga nayon, isang music festival at mga base militar, kung saan 1,200 katao ang napatay at 251 bihag ang dinala sa Gaza.
Kabilang sa mga bihag ang mga sibilyan, sundalo, lalaki, babae, bata at matatanda, pati mga Israeli at dayuhang mamamayan. Karamihan sa kanila ay napalaya kapalit ng mga Palestinian prisoner sa mga tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas, ngunit dose-dosenang bihag ang hindi nakaligtas.
“Lubos na binago ng kalayaan ang paraan ng pagtingin ko sa buhay (Freedom has completely changed the way I see life),” sabi ni Emily Damari, 30, na dinukot habang sugatan mula sa kanyang tahanan sa Kibbutz Kfar Aza at napalaya noong Enero 2025.
Sinabi niyang itinuro sa kanya ng pinagdaanan niya na huwag balewalain ang anumang bagay.
“Ang isang araw sa pagkakabihag ay parang isang linggo. Gusto mong sumuko sa bawat sandali, pero hindi ako sumuko (One day in captivity feels like one week. You want to give up at every moment, but I did not),” giit ni Damari, na kamakailan ay nagpakasal at naglunsad ng sariling clothing line sa Israel.
“Ngayon, binubuksan ko ang refrigerator at nagpapasalamat ako. Umiinom ako ng malamig na tubig at nagpapasalamat ako. Nagpapasalamat ako sa lahat—malalaki man o maliliit na bagay. Ang pasasalamat ay naging mahalagang bahagi na ng kung sino ako (Today, I open the fridge and I say thank you. I drink cold water and I say thank you. I am thankful for everything, big things and little things. Gratitude has become central to who I am),” giit pa ni Damari.
“Ang maging malaya, nasa bahay, kasama ang pamilya at mga kababayan ko, ay isang bagay na hindi ko na muling ipagwawalang-bahala (Being free, at home, surrounded by my family and my people is something I will never take for granted again),” sabi pa niya.
“PINIPILI KO ANG BUHAY”
Si Eli Sharabi, 54, ay dinukot mula sa kalapit na Kibbutz Be'eri. Ang kanyang asawang si Lianne, na ipinanganak sa Britain, at kanilang dalawang anak na babae na sina Noiya, 16, at Yahel, 13, ay pinatay ng mga umatake. Ang kanyang kapatid na si Yossi ay dinalang bihag at napatay sa Gaza.
Noong Pebrero 2025, napalaya si Sharabi matapos ang 491 araw na pagkakabihag. Labis siyang nangayayat at buto’t balat nang makita sa kanyang paglaya. Ayon sa kanya, kabilang sa pinagdaanan niya ang pagkakakulong sa isang tunnel, gutom, pagkakagapos at pambubugbog.
“Natutunan ko sa pagkakabihag kung gaano kahalaga ang bawat sandali at bawat pagpili, at dala ko ang pag-unawang iyon hanggang ngayon. Pinipili kong tumingin sa hinaharap, magpatuloy at gamitin sa makabuluhang paraan ang buhay na mayroon ako (I learned in captivity how precious every moment and every choice can be, and I carry that understanding with me now. I choose to look ahead, to keep going and to use the life I have in a meaningful way),” ayon kay Sharabi.
Matapos siyang mapalaya, tumulong si Sharabi sa pagtatatag ng Shalva Sharabi Family Centre sa lungsod ng Ashkelon sa timog Israel, kasama ang disability charity na Shalva. Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang humaharap sa trauma at kapansanan, bilang pag-alala sa mga miyembro ng sarili niyang pamilya na nasawi.
“Pinipili ko ang buhay. Pinipili kong ipagpatuloy ang buong pamumuhay, habang kasama ko sa lahat ng ginagawa ko sina Lianne, Noiya, Yahel at Yossi (I choose life. I choose to keep living fully, while carrying Lianne, Noiya, Yahel and Yossi with me in everything I do),” giit niya.
Sinabi ni Sharabi na malalim ang pagpapahalaga ng kanyang asawa at mga anak sa pagtulong sa iba.
“Magpapatuloy ang kanilang kabutihan at pag-aalaga sa iba. May mga pamilyang papasok sa mga pintuan na ito at makatatanggap ng tulong, pag-aaruga at pag-asa sa isang lugar na nagdadala ng kanilang pangalan. Nagbibigay iyon sa akin ng lakas at labis akong ipinagmamalaki nito (Their kindness and care for others will continue. Families will walk through these doors and receive help, care and hope in a place that carries their name. That gives me strength and makes me very proud),” ayon pa kay Sharabi.
DAHAN-DAHANG BUMUBUO NG BAGONG KINABUKASAN
Si Hagar Brodutch ay dinukot mula sa Kfar Aza kasama ang kanyang tatlong anak at anak ng kanilang kapitbahay na tumakas patungo sa kanilang bahay matapos mapatay ang mga magulang nito. Napalaya sila sa maikling tigil-putukan noong Nobyembre 2023.
Ayon kay Brodutch, maaaring mas komplikado ang buhay matapos ang pagkakabihag kaysa sa karaniwang inilalarawan.
“Napakabigat ng araw-araw na pakikibaka, lalo na para sa mga bata. Naniniwala akong marami pang taon ang lilipas bago maging anino na lamang na kasama natin ang pagkakabihag, sa halip na isang bagay na tumutukoy sa kung sino tayo (The daily struggle is immense, especially for children. I believe it will take many more years before captivity becomes just a shadow that walks alongside us, rather than something that defines who we are),” sabi ni Brodutch.
Kamakailan, nagsimulang kumuha ng pastry-baking classes ang 43-anyos na si Brodutch, isang larangang matagal na niyang kinahihiligan.
“Higit pa ito sa pag-aaral kung paano mag-bake. Tungkol ito sa paghahanap ng bagong landas, paglikha ng isang bagay gamit ang sarili kong mga kamay, at dahan-dahang pagbuo ng kinabukasan (This is about much more than learning how to bake. It is about finding a new path, creating something with my own hands, and slowly building a future),” aniya.
“Sa panahon ng pagkakabihag ko sa Hamas, nagsimula kong maunawaan na kung mapapalaya ako, maaaring hindi na posible ang pagbabalik sa dati kong buhay at pagtatrabaho sa management (During my time in Hamas captivity, I began to understand that if I were released, returning to my previous life and working in management might no longer be possible),” saad pa ni Brodutch.
“Pinili ko ang pastry bilang isang paraan ng therapy, ngunit isa rin itong paraan upang lumikha ng bagong bagay para sa sarili ko, sa pag-asang balang araw ay maaari itong maging aking propesyon (I chose pastry as a form of therapy, but also as a way to create something new for myself, with the hope that one day it could become my profession),” dagdag pa niya.
Ang Kfar Aza ay isa sa mga komunidad na pinakamatinding naapektuhan ng pag-atake ng Hamas. Si Aviva Siegel, 65, ay dinukot kasama ang kanyang asawang si Keith. Napalaya siya noong Nobyembre 2023, ngunit nanatiling bihag si Keith hanggang Pebrero 2025.
Sumali si Aviva sa kampanya para sa pagpapalaya sa mga bihag sa Israel habang nananatiling bihag ang kanyang asawa. Sinabi niyang nagbibigay sa kanya ng lakas araw-araw ang muling pagkikita nila, pati ang kanyang mga anak at apo, at maging ang mga estrangherong nakikilala niya.
“Pakiramdam ko, hindi ako nag-iisa at napakaraming pagmamahal sa mundong ito, at kailangan nating panghawakan ito nang buong lakas (I feel that I’m not alone and that there's so much love in this world and we need to keep it with both our hands),” giit niya.
“Pakiramdam ko, napakaswerte kong nabubuhay pa (I feel very, very lucky to be alive),” dagdag pa niya.

