top of page

Mga namamatay , inaasahang malalampasan ang bilang ng ipinapanganak sa Australia sa 2060s

Sari Story

September 22, 2026 at 2:47:07 AM

Larawan ng dalawang watawat ng Australia

Dalawang watawat ng Australia ang makikita sa larawang kuha sa skyline ng lungsod.

Stephen Tafra / Unsplash sa pamamagitan ng Wix)

SYDNEY - Inaasahang malalampasan ng bilang ng namamatay ang bilang ng ipinapanganak sa Australia sa unang pagkakataon pagsapit ng 2060s, ayon sa ulat na inilabas noong Lunes.


Ayon sa ulat, magkakaroon ito ng malawak na epekto sa ekonomiya ng bansa na humaharap sa tumatandang populasyon, pagbaba ng bilang ng mga ipinapanganak at pagbawas sa imigrasyon.

Sa loob ng ilang dekada, nakapagpanatili ang Australia ng paglaki ng populasyon dahil sa imigrasyon na bumabalanse sa mababang birth rate.


Ngunit habang bumabagal ang imigrasyon, nagsisimula ang Australia na tahakin ang landas na matagal nang nararanasan ng ilang mauunlad na bansa gaya ng Japan, Germany at South Korea, kung saan mas marami na ang namamatay kaysa ipinapanganak.


Sa Intergenerational Report na inilabas noong Lunes, tinukoy ng Treasury Department ang artificial intelligence o AI, pagkakahati-hati sa geopolitical landscape, transisyon sa enerhiya, pagtanda ng populasyon at paglipat sa service-based na ekonomiya bilang limang pinakamalalaking pagbabagong makaaapekto sa pananaw sa ekonomiya ng bansa sa susunod na apat na dekada.


Inaasahan ngayon na babagal sa 0.9% kada taon ang paglaki ng populasyon sa susunod na apat na dekada habang bumababa ang fertility rate at patuloy na kumokonti ang net overseas migration, o diperensya sa pagitan ng bilang ng mga pumapasok na migrante at mga umaalis sa bansa, bago ito tuluyang maging matatag.


Mas mababa ito sa average na 1.4% paglago ng populasyon na naitala sa nakalipas na 40 taon.


"Mas mabilis tatanda at mas mabagal lalago ang populasyon ng Australia kaysa sa dating inaasahan (Australia's population will age more quickly and grow more slowly than projected)," ayon sa Treasury sa ulat. "Inaasahang malalampasan ng bilang ng namamatay ang bilang ng ipinapanganak pagsapit ng 2060s. Ito ang unang pagkakataong isinama ang naturang projection sa isang IGR, kung kailan hindi na magiging pangunahing dahilan ng paglaki ng populasyon ang natural increase (Deaths are projected to outnumber births by the 2060s – the first time this has been forecast in an IGR – at which point natural increase will no longer be a driver of population growth)."


Hinigpitan ng Labor government na pinamumunuan ni Prime Minister Anthony Albanese ang mga patakaran sa imigrasyon noong nakaraang linggo, habang sinisikap niyang pigilan ang pagtaas ng suporta para sa right-wing populist na One Nation party na nangangakong mahigpit na lilimitahan ang imigrasyon.


Bumaba rin ngayong linggo ang approval rating ni Albanese sa pinakamababang antas mula nang maging prime minister siya noong 2022.


Nagbabala rin ang ulat na tataas ang pangangailangan para sa care services dahil sa tumatandang populasyon, habang maaaring makaranas ng mas malaking kakulangan sa mga manggagawa ang mga rehiyong may mas maraming matatanda, partikular sa healthcare at aged care na malaki ang pag-asa sa migrant workers.


Binanggit din sa ulat ang posibilidad ng mga tax cut sa mga susunod na budget habang patuloy na nagbibigay ang Labor government ng dagdag na ayuda para sa cost of living sa mga 

Australianong humaharap sa mataas na inflation, mas mahal na mortgage rates at tumataas na presyo ng pabahay.


bottom of page