top of page

Mga imbestigador, pinaghihinalaang nagkahiwa-hiwalay sa ere ang Learjet bago bumagsak sa Florida

Reuters / David Shepardson; Isinalin ng Sari Story Network

November 4, 2026 at 3:10:37 AM

Larawan ng bumagsak na learjet

BABALA: SENSITIBONG MATERYAL. MAAARING MAKASAKIT O MAKABAGABAG ANG LARAWANG ITO. Bumagsak ang isang Learjet sa isang residential area sa Palm Beach County, Florida, Estados Unidos, noong Nobyembre 1, 2026. Kuha ito mula sa isang video na ibinahagi sa social media.

Reuters / Aki Kuusisto

Ibinahagi ng National Transportation Safety Board (NTSB) nitong Lunes na posibleng nagkahiwa-hiwalay sa ere ang isang Learjet 60 bago bumagsak nang mabilis sa isang residential area sa Palm Beach County, Florida, nitong Linggo. Nasawi ang lahat ng siyam na sakay ng eroplano.


Ang pribadong jet na gawa ng Bombardier ay lumipad mula Austin, Texas at patungo sana sa Bahamas. Nakaranas naman ng malakas na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat ang lugar kung saan ito bumagsak.


Sa isang post sa X, binigyang-diin ni NASA Administrator Jared Isaacman ang nakatatakot na karanasan ng mga sakay ng eroplano, kabilang ang 20-anyos na copilot.


“Ginagampanan niya ang kaniyang tungkulin at nakikipag-ugnayan sa air traffic control hanggang sa huling sandali sa gitna ng nakatatakot na sitwasyon. Malamang na alam na niya bago pa man ang ilan sa mga huling tawag na iyon na mamamatay siya (She was doing her job, communicating with [air traffic control] right to the end in a terrifying situation. She likely knew before many of those calls that she was going to die),” saad ni Isaacman.


Maaaring magkahiwa-hiwalay sa ere ang isang jet kapag napakabilis ng pagbaba nito, na nagdudulot ng matinding puwersang pisikal sa mga pasahero.


Makikita sa mga video na kumalat sa social media ang pagbagsak ng eroplano sa tabi ng isang kalsada bago ito sumabog. Iniulat ng mga piloto na may namumuong yelo sa eroplano sa taas na 35,000 talampakan (10,668 metro). Gayunman, iniulat din nilang bumababa ang eroplano sa bilis na 10,000 talampakan kada minuto, na mabilis pang tumaas sa 22,000 talampakan kada minuto.


“Pangunahing pinagtutuunan ng imbestigasyon ang lagay ng panahon (The weather conditions are a major focus of the investigation),” ayon kay NTSB board member Tom Chapman.

Batay sa mga maintenance record, may naka-install na cockpit voice recorder ang jet, ngunit hindi pa matiyak ng mga imbestigador kung naroon pa ito sa eroplano nang mangyari ang aksidente, dagdag niya.


Sinabi ni Chapman na nag-iwan ang pagbagsak ng eroplano ng malaking crater sa tabi ng kalsada, malapit sa pasukan ng isang mobile home park. Bahagya itong napuno ng tubig dahil sa matinding bagyo.


“Mayroon kaming ilang ebidensiya na nagkahiwa-hiwalay ang bahagi ng eroplano bago ito tumama sa lupa (We do have some evidence that there was some breakup of the aircraft before impact),” ani Chapman. 


“Posibleng makakita kami ng mga bahagi ng eroplano sa mga lugar na may kalayuan mula sa mismong pinangyarihan ng pagbagsak (We may find parts of the aircraft some distance away from the actual impact site),” aniya pa.


Kinilala naman ng TMZ ang mga pasahero bilang isang tech entrepreneur mula sa Texas at mga miyembro ng kaniyang pamilya, isang yaya, dalawang malalapit na kaibigan, at dalawang piloto.

bottom of page