top of page

Mga hinihinalang migrant smuggler, nilitis sa France kaugnay ng pagkamatay ng mahigit 30 katao

Sari Story

September 9, 2026 at 6:43:36 AM

Larawan ng mga life jacket

FILE PHOTO: Mga life jacket na iniwan ng mga migrante sa Slack dunes, sa Wimereux, malapit sa Calais, France, Nobyembre 25, 2021.

Pascal Rossignol / Reuters

PARIS — Humarap sa paglilitis sa Paris nitong Martes ang 14 na lalaki dahil sa mga kasong may kaugnayan sa pagpupuslit ng mga migrante matapos malunod ang mahigit 30 katao sa English Channel limang taon na ang nakalilipas. Ito ang itinuturing na pinakamalalang naitalang insidente na kinasasangkutan ng mga migrante sa makitid na karagatang naghihiwalay sa France at Britain.


Nasawi ang mga migrante matapos mawalan ng hangin ang maliit nilang bangka habang tinatawid ang mapanganib na English Channel, isa sa mga pinakaabalang rutang pandagat sa mundo.


Ayon sa mga imbestigador, mga network ng Afghan at Iraqi-Kurdish na smuggler ang nag-organisa sa pagbiyahe ng mga migrante patungong Britain mula sa mga kampo malapit sa Grande-Synthe at Calais sa hilagang France. Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga akusado ang involuntary manslaughter, pagpapadali sa iligal na pagpasok ng mga migrante bilang bahagi ng isang organisadong grupo, at criminal conspiracy.


Isang French fishing vessel ang nag-alerto sa mga emergency responder matapos makita ang mga bangkay na lumulutang sa karagatan sa labas ng baybayin ng France malapit sa Calais noong Nobyembre 2021, ayon sa dokumentong naglalaman ng referral ng kaso sa korte. Dalawampu't pitong biktima ang narekober, habang hindi bababa sa apat pa ang hindi na natagpuan. Dalawa lamang ang nakaligtas.


Karamihan sa mga biktima ay Iraqi Kurds, pero kabilang din ang mga Afghan, Ethiopian, isang Egyptian, isang Somali, isang Iranian Kurd at isang Vietnamese. Ang pinakabatang nakilalang biktima ay isang 7-taong-gulang na batang babae.

Isinakay ang mga migrante sa isang marupok na maliit na bangka na walang sertipikasyon at hindi angkop para sa paglalayag sa karagatan. Wala rin itong sapat na life jacket, ayon sa dokumento ng korte. Napagpasyahan ng mga eksperto na ang mga sakay ay “walang tsansa” na epektibong makayanan ang isang emergency sa dagat.


Kabilang sa mga akusadong nahaharap sa kasong involuntary manslaughter ang mga hinihinalang organizer, transporter at logistics coordinator na konektado sa mga smuggling group. Iginiit ng mga prosecutor na nakatulong ang kanilang mga ginawa sa paglikha ng mga kondisyong humantong sa trahedya, kahit na ang ilan sa kanila ay wala mismo sa lugar nang ilunsad ang bangka.


Dalawa sa mga akusado ang hindi nahuli ng mga awtoridad ng France at lilitisin nang wala sila.


Kabilang sa mga ebidensiyang ginamit ng mga imbestigador ang datos mula sa mga cellphone, mga naharang na komunikasyon, surveillance operations at testimonya ng mga nakaligtas at mga kaanak ng mga biktima.


Sa isang imbestigasyon sa Britain tungkol sa insidente, napag-alamang maaaring naiwasan ang mga pagkamatay. Nabigo ang isang French naval vessel na tumugon sa panawagan ng British coastguard para sa tulong. Samantala, gumawa rin umano ang British coastguard ng “ilang maling desisyon,” kabilang ang masyadong maagang pagtigil sa paghahanap sa mga posibleng nakaligtas.


Ayon sa mga abogado, bibiyahe mula Erbil sa Iraqi Kurdistan ang mga pamilya ng ilan sa mga biktima upang dumalo sa bahagi ng paglilitis.


“Dapat managot sa batas ang lahat ng may naging papel sa trahedyang ito (Justice must hold to account everyone who played a role in this tragedy),” ayon sa pahayag.


Inaasahang tatagal ang paglilitis hanggang Setyembre 30.


bottom of page