Mga estudyante sa Gaza, nagbalik sa harapang klase matapos ang tatlong taong digmaan
Sari Story
September 22, 2026 at 2:47:07 AM
CAIRO/Gaza - Daan-daang libong bata sa Gaza ang nagbalik sa face-to-face o harapang pag-aaral noong Sabado sa unang pagkakataon matapos ang halos tatlong taon, bagama’t sa mga nasirang gusali ng paaralan o pansamantalang silid-aralan at tolda lamang.
Para sa maraming pamilya, hindi rin nila kayang bilhin ang mga uniporme,notebooks o kuwaderno at ballpen na kailangan ng kanilang mga anak.
Ayon sa United Nations Children's Fund (UNICEF), 98% ng mga paaralan sa Gaza ang nawasak o nasira sa panahon ng digmaan, habang sinabi ng mga opisyal ng edukasyon sa Gaza na nasa 660,000 estudyante ang nawalan ng pagkakataong makadalo sa harapang klase at regular na makilahok dito.
Ang muling pagbubukas ng mga paaralan ay isang marupok na tagumpay para sa Gaza matapos ang isang labanan na kumitil sa buhay ng humigit-kumulang 22,000 estudyante at mahigit 770 manggagawa sa sektor ng edukasyon, kabilang ang 532 guro, ayon kay Ibrahim Ramadan, direktor ng edukasyon para sa East Khan Younis.
"Ang huling pagkakataong pumasok ako sa paaralan ay tatlong taon na ang nakalipas. Ngayon, nagsisimula na kami ng school year, taon ito ng saya, kaligayahan at tagumpay (The last time I have been to school was three years ago. Now, we are starting the school year, it is year of joy, happiness and success)," sabi ni Moayed Abu Mustafa sa Khan Younis.
Sinabi ni Mustafa na determinado siyang mag-aral kahit sa sahig siya uupo sa isang toldang walang sapat na bentilasyon, wala siyang maayos na sapatos, kuwaderno at panulat, at nawalan siya ng mga kaibigan sa digmaan.
"Sa kabila ng lahat ng ito, mag-aaral kami, mag-aaral kami kahit sa loob ng tolda (Despite all of this we will learn, we will learn even in a ten)."
Nagbalik din sa klase ang 15-anyos na estudyanteng lumikas na si Samar Abu Salmi, na nakatira kasama ang kanyang pamilya sa isang tolda.
"Nag-aaral kami gamit ang mga cellphone at hindi namin nakikita ang aming mga guro... ngayon, bumalik kami para ipagpatuloy ang aming pangarap... mula sa isang tolda patungo sa isa pang tolda (We studied on phones and we haven’t seen our teachers... now, we are back pursuing our dream... from one tent to another)," sabi niya sa bakuran ng bago niyang pansamantalang paaralan.
Kulang din siya sa maraming pangunahing kagamitan sa pag-aaral na hindi na kayang bilhin ng kanyang pamilya.
"Bago ang digmaan, lahat ay mayroon kami - kuwaderno, panulat, mga gamit, damit, pamamasyal, mga bagay na mura naming nabibili (Before the war, everything was available for us - notebooks, pens, goods, clothes, outings, things that we could get cheaply)," sabi ni Salmi.
MGA KUTSON AT PISARA
Sa kabila ng malawakang pagkawasak sa Gaza, itinuloy ng Ministry of Education, sa tulong ng mga pandaigdigan at lokal na organisasyon, ang school year 2026-27 sa pamamagitan ng pagtatayo ng dose-dosenang pansamantalang paaralan na gawa sa mga tolda, trapal, yero at kahoy upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.
Ang ilan ay itinayo sa mabuhanging lugar, habang ang iba ay may mga silid-aralan na may ilang kutson lamang at pisara, kung saan nagsisiksikan ang mga estudyante. Ang iba naman ay ginagamit pa rin bilang tirahan ng dose-dosenang pamilyang lumikas.
Isa sa mga pumasok sa isa pang paaralan ang 14-anyos na si Yamen Abu Samra.
"Dati, masaya kaming gumigising para pumasok sa paaralan... Ngayon, kapag pumapasok kami sa paaralan, natatakot kami sa mga ligaw na bala, rocket, pag-atake, lahat (We used to wake up happy to go to school... Now, when we come to school, we’re afraid of stray bullets, rockets, strikes, everything)," sabi niya.
"Ngayon, nakaupo ako sa isang tolda na talagang walang laman, araw at init lang (Now, I’m sitting in a tent that has absolutely nothing, just the sun and the heat)," dagdag niya.
Hindi bababa sa 540,000 estudyante ang inaasahang dadalo sa harapang klase ngayong taon sa mga pansamantalang pribadong paaralan, learning center at educational point, sa tulong ng UNICEF, ayon sa mga opisyal ng edukasyon. Magpapatuloy ang online learning para sa mga hindi makadadalo sa klase o umalis ng Gaza noong digmaan.
Nananatiling kontrolado ng mga puwersang Israeli ang mahigit 60% ng Gaza sa kabila ng tigil-putukan noong nakaraang taon na nagpahinto sa malawakang labanan ngunit hindi nagwakas sa tunggalian.
Ayon sa mga awtoridad ng Palestinian, mahigit 73,000 katao na ang napatay sa opensiba ng Israel sa Gaza, na inilunsad matapos pumatay ng humigit-kumulang 1,200 katao sa katimugang Israel ang mga mandirigmang pinamunuan ng Hamas noong Oktubre 2023.
Sinabi ni Khaled Aliyan, 30, isang nagtitinda ng mga gamit pang-eskwela, na nabawasan ang suplay at tumaas ang presyo dahil sa mga restriksiyon ng Israel sa pag-aangkat.
"Ang kuwadernong ito, na dating nagkakahalaga ng 3 shekel ($1), ngayon ay nagkakahalaga na ng 15 shekel. Mahal ang lahat ng gamit pang-eskwela (This notebook, which used to cost 3 shekels ($1), now costs 15 (shekels). All stationery items are expensive)," sabi niya.
Hindi tumugon ang Israeli military agency na COGAT, na kumokontrol sa pagpasok sa Gaza, sa kahilingan ng Reuters para sa komento tungkol sa mga restriksiyon sa suplay at mga pag-atake sa mga paaralan. Paulit-ulit na inaakusahan ng Israel ang Hamas na ginagamit ang mga paaralan para sa layuning militar, na itinatanggi naman ng Hamas.

