Mga estudyante sa France, balik-kilos protesta matapos ang bakasyon
Isinalin ng Sari Story Network
November 3, 2026 at 1:54:56 AM
Muling nagpatuloy nitong Lunes ang mga protesta ng mga high school student sa France, ngunit mas maliit ang saklaw nito kumpara sa mga nagdaang linggo, kasabay ng pagbabalik ng mga mag-aaral mula sa dalawang linggong bakasyon. Sinubukan ng ilang kabataan na harangan ang mga paaralan sa Paris, Marseille, at Rennes, ayon sa French media.
Pagsapit ng 0830 GMT, nasa 41 high school o katumbas ng humigit-kumulang isang porsiyento ng lahat ng high school sa bansa ang naharangan, ayon sa Education Ministry. Daan-daang high school sa mahigit 3,000 paaralan sa France ang naharangan noong mga linggo bago ang bakasyon. Nagsimula ang mga protesta sa mga suburb ng Paris noong Setyembre at kumalat sa buong France. Lumawak din ang mga hinaing ng mga estudyante mula sa usapin sa edukasyon tungo sa mataas na gastusin sa pamumuhay, na humatak sa mga miyembro ng mga unyon at aktibista. May ilang protesta ring nauwi sa karahasan.
Kumalat din sa ilang bansa sa Europe, kabilang ang Germany, Italy, Belgium, at Albania, ang mga tinatawag na “Gen Z” protest. Kabilang sa mga hinaing ng mga nagpoprotesta ang mataas na gastusin sa pamumuhay, mahinang kalagayan ng mga paaralan, at umano’y katiwalian.
Noong nakaraang buwan, nauwi sa mararahas na sagupaan sa pulisya at mga riot ang mga protesta sa ilang lungsod sa France, kung saan may mga tindahang ninakawan. Naging pagsubok ito sa minority government ni French President Emmanuel Macron.
“Sa usapin ng mga blockade—o sa halip, mga pagtatangkang mag-blockade—napakaliit lamang ng saklaw ng pangyayaring ito. Iilan lamang ang mga paaralang sangkot (In terms of blockades—or rather, attempted blockades—the phenomenon is very marginal. We're talking about just a handful of units, a few individual schools),” sabi ni Education Minister Edouard Geffray sa France Inter radio nitong Lunes ng umaga.
Sinabi niyang pinahihintulutan ang mga protesta, ngunit labag sa batas ang pagpigil sa pagpasok sa mga paaralan.
Makikita sa mga kuha sa telebisyon na naroon ang mga pulis, bagama't hindi sila nakasuot ng kumpletong anti-riot gear.
Ipinaglalaban ng mga estudyante ang pagsasaayos ng mga luma nang paaralan, pagdaragdag ng mga guro at puwesto sa mga unibersidad, at pagwawakas sa sistema ng admission sa unibersidad na itinuturing nilang hindi patas sa lipunan.
Noong nakaraang linggo, nag-alok si Geffray na limitahan sa 28 ang bilang ng mga estudyante sa bawat klase, maglaan ng €4 bilyon o katumbas ng US$4.47 bilyon para sa pagsasaayos ng mga paaralan, magdagdag ng 15,000 puwesto sa higher education, at magpatupad ng bagong sistema ng admission pagsapit ng 2028.
Gayunman, sinabi ng mga kinatawan ng mga high school student na hindi sapat ang mga alok at magpapatuloy sila sa pagprotesta.
($1 = 0.8948 euros)

