Mga banta ng bomba iniulat sa dalawang pampasaherong flight patungong Warsaw; kapwa ligtas na nakalapag
Isinalin ng Sari Story Network
November 4, 2026 at 5:51:43 AM
Sapilitang lumapag sa Poland ang isang pampasaherong eroplano mula London matapos makatanggap ng babala tungkol sa bomb threat nitong Martes, dahilan upang pansamantalang isara ang paliparan. Sinusuri rin ang isa pang eroplano mula Copenhagen sa Warsaw-Chopin Airport.
Ayon sa pahayag ng paliparan, bineberipika ng mga security service ang naiulat na banta sa Modlin Airport.
"Alas-9:54 ng umaga nang makatanggap ng babala tungkol sa bomb threat ang isang sasakyang panghimpapawid na bumibiyahe sa rutang London Heathrow (LHR)–Warsaw Chopin Airport (WAW). Alas-10:01 ng umaga, lumapag ang isang Boeing 737 MAX sa Warsaw/Modlin Airport (At 9:54 a.m., a bomb threat alert was announced on board an aircraft operating a flight on the route London Heathrow (LHR) – Warsaw Chopin Airport (WAW). At 10:01 a.m., a Boeing 737 MAX aircraft landed at Warsaw/Modlin Airport)," ayon sa pahayag.
"Dahil sa insidente, mananatiling sarado ang Warsaw/Modlin Airport hanggang sa susunod na abiso. Isinasagawa na ng mga awtoridad ang beripikasyon sa naiulat na banta at tinitiyak ang kaligtasan ng lahat ng nasa paliparan (Due to the situation, Warsaw/Modlin Airport remains closed until further notice. The services are underway to verify the reported threat and ensure the safety of all people present at the airport)," dagdag nito.
Ayon sa paliparan, inilikas ang 181 pasaherong sakay ng eroplano. Kinumpirma naman ng isang tagapagsalita ng Polish Airlines LOT na pag-aari ng kompanya ang naturang flight.
Iniulat din ang isang bomb threat sa flight ng SAS mula Copenhagen patungong Warsaw. Lumapag ang eroplano sa Chopin Airport at kasalukuyan itong sumasailalim sa inspeksyon, ayon sa tagapagsalita ng Warsaw-Chopin Airport. Gayunman, sinabi niyang nagpapatuloy ang operasyon sa paliparan.
May dalawang paliparan ang Warsaw. Matatagpuan sa loob mismo ng lungsod ang Chopin Airport, habang ang Modlin Airport, na pangunahing ginagamit ng mga budget airline, ay nasa layong humigit-kumulang 36 kilometro (22 milya) mula sa kabisera ng Poland.

