Mga alegasyon laban sa ama ni Meghan Markle, ipapasa ng UK police sa mga awtoridad sa ibang bansa
Sam Tabahriti; Isinalin ng Sari Story Network
October 30, 2026 at 1:24:31 AM
LONDON — Inihayag ng pulisya sa Britanya noong Huwebes na isusumite nito sa mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa ibang bansa ang mga alegasyon laban sa ama ni Meghan, asawa ni Prince Harry, matapos matuklasan sa isinagawang pagsusuri na hindi naipasa sa ibang awtoridad ang mga paratang nang una itong matanggap.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng mga awtoridad sa Pilipinas na iniimbestigahan nila si Thomas Markle kaugnay ng mga alegasyong nagtataglay umano siya ng mga larawang nagpapakita ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.
Itinanggi naman ni Markle ang mga akusasyon at sinabi sa pahayagang Daily Mail ng Britanya na hindi totoo ang mga ito at pawang "kasuklam-suklam na kasinungalingan."
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Meghan, ang Duchess of Sussex, na lubhang nakababahala ang balita. Aniya, ipinaalam sa kaniya ng pulisya ng Britanya ang tungkol sa isang liham na naglalaman ng mga alegasyon laban sa kaniyang ama, ilang buwan matapos ang kaniyang kasal sa nakababatang anak ni King Charles.
Ayon sa Metropolitan Police ng London noong Huwebes, nakatanggap ito ng liham noong 2019 mula sa isang indibidwal na nagsabing nais niyang maghain ng mga alalahaning may kaugnayan umano sa seguridad ni Meghan. Gayunman, ang liham ay naglalaman pala ng mga alegasyon tungkol sa mga paglabag sa batas na naganap sa labas ng Britanya.
"Sinuri ang liham at kalaunan ay ipinasa sa tanggapan ng Duke at Duchess of Sussex upang ipaalam sa kanila ang nilalaman nito (The letter was assessed and subsequently passed to the office of the Duke and Duchess of Sussex for their awareness)," ani Commander Adam Slonecki.
"Hindi ibinahagi sa ibang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ang mga detalye ng mga alegasyong nakapaloob sa liham (The details of the allegations in the letter were not shared with other law enforcement agencies)," dagdag niya.
Sinabi ni Slonecki na matapos ang isinagawang panloob na pagsusuri, isinangguni ang usapin sa independiyenteng ahensiyang nangangasiwa sa mga reklamo laban sa pulisya. Sinimulan na rin aniya ng kanilang hanay ang pagbabahagi ng mga alegasyon sa mga awtoridad sa ibang bansa.
"Layunin naming magsumite ng ilang referral sa mga kaukulang ahensiyang nagpapatupad ng batas sa ibang bansa kaugnay ng mga alegasyong nakapaloob sa liham. Isinasagawa na ang prosesong ito at inaasahang makukumpleto sa mga susunod na araw (It is our intention to make a number of referrals to relevant overseas law enforcement agencies in relation to the allegations contained within the letter. That process is underway and will be completed in the coming days)," ani Slonecki.

