top of page

Metro Manila, iba pang bahagi ng bansa makararanas ng isolated thunderstorms

Sari Story

September 15, 2026 at 7:03:56 AM

Larawan ng sasakyan

Dumaraan ang mga sasakyan sa maulang araw sa larawang ito, larawan mula sa Wix.

Lance Lozano / Unsplash sa pamamagitan ng Wix

MANILA – Posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw ang isang low-pressure area (LPA) na naging tropical depression, ayon sa weather bureau nitong Martes.

 

Sa 5 a.m. bulletin nito, sinabi ng PAGASA na ang tropical cyclone ay nasa layong 2,675 kilometro silangan ng Eastern Visayas at kumikilos pahilaga-hilagang-silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras. Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 kilometro kada oras.

 

Gayunman, sinabi ni PAGASA weather forecaster Veronica Torres na hindi inaasahang magla-landfall o magkakaroon ng “direct effect” ang weather disturbance sa anumang bahagi ng bansa.

 

Magpapatuloy naman ang easterlies na magdadala ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, kasama ang isolated rain showers o thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.

 

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, asahan ang mga panaka-nakang pag-ulan dahil sa localized thunderstorms.

 

Makakaranas ang buong kapuluan ng mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang kondisyon ng karagatan.

 

bottom of page