top of page

Met Police ng UK, iginiit na kay Meghan Markle ipinadala ang liham ng mga alegasyon at hindi sa ibang awtoridad

Suban Abdulla; Isinalin ni Sandra Samala/ Sari Story Network

October 25, 2026 at 8:23:01 AM

Larawan nina Prince Harry at Meghan

File Photo: Sina Prince Harry ng Britain at ang kanyang asawang si Meghan, Duke at Duchess of Sussex, matapos bumisita sa Himmah Hub, isang community center na pinatatakbo ng kawanggawang Himmah sa Nottingham na tumutulong sa mga taong nakararanas ng kakulangan sa pagkain, sa Nottingham, Britain, noong Oktubre 15, 2026.

REUTERS/Hannah McKay

LONDON — Iginiit ng Metropolitan Police ng London nitong Sabado na ipinadala ng mga pulis noong unang bahagi ng 2019 ang isang liham kay Meghan, asawa ni Prince Harry ng Britain, matapos niyang sabihin na naabisuhan siya tungkol sa mga alegasyon laban sa kanyang ama.

Ayon sa kapulisan, hindi nila ibinahagi ang liham sa iba pang mga ahensiya ng pagpapatupad ng batas.


Dagdag ng mga awtoridad sa Pilipinas nitong Biyernes na iniimbestigahan nila si Thomas Markle kaugnay ng mga alegasyong nagmamay-ari siya ng mga larawan ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.


Hindi pa nagbibigay ng anumang pampublikong pahayag si Thomas Markle, 82, at hindi siya nakontak ng Reuters. Gayunman, sinipi siya ng pahayagang Daily Mail na nagsabing hindi totoo ang mga alegasyon laban sa kanya at ang mga ito ay “kasuklam-suklam na mga kasinungalingan (sick lies).”


Noong Biyernes, sinabi ni Meghan na “lubhang nakababahala (very distressing)” ang balita at naabisuhan siya ng pulisya ng Britain noong 2018 tungkol sa isang liham na naglalaman ng mga alegasyon laban sa kanyang ama, matapos ang kanyang kasal sa nakababatang anak ni Haring Charles.


“Matapos ang masusing pagsusuri sa mga sistema at rekord ng Met Police, nakumpirma namin na noong Enero 2019 ay nakatanggap kami ng liham na naglalaman ng ilang pahayag tungkol sa mga umano’y paglabag sa batas na naganap sa labas ng United Kingdom (Following a thorough review of Met Police systems and records, we have confirmed that in January 2019, we received a letter containing a number of claims about alleged offending outside the United Kingdom),” ayon sa isang tagapagsalita ng Met Police sa isang pahayag nitong Sabado.


“Sinuri ang liham at napagpasyahang dapat itong ipadala sa tanggapan ng Duke at Duchess of Sussex upang malaman nila ang nilalaman nito. Hindi ibinahagi sa iba pang mga ahensiya ng pagpapatupad ng batas ang mga detalye ng mga alegasyon sa liham (The letter was reviewed and a decision was made that it should be passed to the office of the Duke and Duchess of Sussex for their awareness. The details of the allegations in the letter were not shared with other law enforcement agencies).”


Sinabi ng isang tagapagsalita ng mag-asawang Sussex nitong Sabado na “nauunawaan (understandable)” na maaaring nagkamali si Meghan sa petsa kung kailan niya natanggap ang liham. Aniya, dapat ituring na wastong batayan ang rekord ng Met Police sa pagtukoy sa petsa.


Hindi na nakikipag-ugnayan si Meghan sa kanyang ama mula pa noong mga panahong papalapit ang kanyang kasal noong 2018, na hindi nadaluhan ni Thomas Markle.


Sinabi rin ni Meghan na hindi niya pinahihintulutang makipag-ugnayan ang kanyang ama sa mga anak niyang sina Archie, 7, at Lilibet, 5, upang maprotektahan ang mga ito.


Pinag-aaralan na ng Met Police kung kinakailangang isangguni ang usapin sa independiyenteng ahensiyang nangangasiwa sa pulisya upang masuri ang naging hakbang nito.


bottom of page