Mega-prison, binuksan ng Costa Rica kasabay ng pinaigting na kampanya laban sa organisadong krimen
Alvaro Murillo / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 15, 2026 at 6:24:58 AM
Dumalo ang mga opisyal ng pulisya ng bilangguan sa pagbubukas ng Center for High Containment of Organized Crime (CACCO), isang bagong bilangguang may pinakamahigpit na seguridad na itinayo sa pakikipagtulungan ng pamahalaan ni El Salvador President Nayib Bukele, sa Alajuela, Costa Rica, noong Oktubre 14, 2026.
Mayela Lopez / Reuters
SAN JOSE – Pormal na binuksan ng Costa Rica nitong Miyerkules ang isang bilangguang may pinakamahigpit na seguridad bilang bahagi ng pinaigting nitong kampanya laban sa organisadong krimen, kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga pagpatay sa bansang matagal nang itinuturing na isa sa pinakaligtas sa Latin America.
Pinangunahan ni Pangulong Laura Fernandez ang pagbubukas ng High-Containment Center Against Organized Crime (CACCO), isang bilangguang ginaya sa mega-prison ng El Salvador na naging mahalagang bahagi ng kampanya ni Salvadoran President Nayib Bukele laban sa mga kriminal na gang.
Ang pasilidad, na matatagpuan malapit sa kabiserang San Jose, ay kayang tumanggap ng 5,100 bilanggo, katumbas ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng kasalukuyang populasyon ng mga bilanggo sa bansa.
Batay sa datos ng hudikatura, nakapagtala ang Costa Rica ng rekord na 905 kaso ng pagpatay noong 2023. Bahagya lamang itong bumaba sa 876 noong 2024 at 873 noong 2025, na nananatiling higit na mataas kumpara sa mga naunang taon.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga pagpatay ay may kaugnayan sa alitan ng mga kriminal na grupo sa pagkontrol sa mga ruta ng ilegal na droga at mga lokal na merkado nito.
“Sa pamamagitan ng CACCO, haharap ang mga kriminal sa isang bagong sistema—isang modelong mahigpit laban sa krimen. Magiging pandaigdigang pamantayan ang Costa Rica pagdating sa seguridad ng mga bilangguan (The CACCO will force criminals to face a new model—a tough-on-crime model. Costa Rica will become a global benchmark for prison security),” sinabi ni Fernandez sa seremonya ng pagbubukas.
Inihayag din ng pangulo na bibisita siya sa El Salvador sa Biyernes.
Malawakang kinikilala ang kampanya ni Bukele sa malaking pagpapababa ng karahasang dulot ng mga gang sa El Salvador. Gayunman, ayon sa mga grupo ng karapatang pantao, nagresulta rin ito sa malawakang arbitraryong pag-aresto at pagkulong, mga paglabag sa due process o wastong proseso ng batas, at paghina ng mga demokratikong mekanismo ng proteksiyon.
Sinabi ni Fernandez na bahagyang nakasalalay sa hudikatura ang magiging epekto ng bagong bilangguan, partikular sa pagtiyak na mas maraming kriminal ang mahahatulan.
Nagkaroon ng mga hindi pagkakasundo ang kanyang administrasyon at mga awtoridad ng hudikatura kaugnay ng mga polisiya laban sa krimen at pagbabawas sa badyet. Samantala, nagbabala ang mga hukom at tagausig laban sa mga panggigipit na maaaring magpahina sa demokratikong sistema ng checks and balances.
Inilahad naman ni Justice Minister Gabriel Aguilar na bahagi ang CACCO ng mas malawak na pagsisikap na maibalik ang kontrol ng estado sa sistema ng mga bilangguan, na aniya ay napasok na ng organisadong krimen.
Nakatakdang isagawa sa katapusan ng Oktubre ang unang paglilipat ng mga bilanggo sa bagong pasilidad.
Kamakailan, sinabi ni Fernandez sa Reuters na makatutulong ang mas malawak na presensiyang pangseguridad ng Estados Unidos upang labanan ng Costa Rica ang ilegal na kalakalan ng droga at organisadong krimen.
Gayunman, sa kasalukuyan ay nakatuon pa rin ang koordinasyon ng dalawang bansa sa mga pagpapatrolya, imbestigasyon, at mga hakbang para sa extradition o pagpapabalik ng mga pinaghahanap na indibidwal sa bansang humihiling nito upang maharap sa proseso ng batas.

