top of page

Mayon Volcano nananatili sa Alert Level 3; 17 pagyanig naitala ng PHIVOLCS

RA Sibag; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 5, 2026 at 9:07:42 AM

Larawan ng Mayon Volcano

Kuha mula sa larawang ibinahagi sa Facebook page ng Albay Public Information Office.

Albay Tanggapan ng Impormasyong Pampubliko

Nakapagtala ang Bulkang Mayon ng 17 pagyanig na may kaugnayan sa aktibidad ng bulkan at isang rockfall event sa loob ng 24 na oras ng pagmamanman, dahilan upang manatili ito sa Alert Level 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes, Nobyembre 5.


Sa pinakahuling bulletin nito, iniulat ng mga volcanologist ng pamahalaan ang pagkakaroon ng liwanag sa bunganga ng bulkan, na lokal na tinatawag na banaag. Patunay ito na patuloy ang presensya at paggalaw ng magma sa ilalim ng bunganga.


Nagbuga rin ang Mayon ng katamtamang usok at singaw na umabot sa taas na 100 metro bago tinangay ng hangin patungong timog-kanluran. Batay sa mga parameter ng pagmamanman noong Nobyembre 4, umabot sa average na 2,127 tonelada kada araw ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan.


Ipinakikita naman ng datos sa ground deformation na nananatiling lumolobo ang kabuuang estruktura ng bulkan, sa kabila ng bahagya at panandaliang pagliit nito sa kahabaan ng hilagang-silangang dalisdis.


Nangangahulugan ang Alert Level 3 ng mataas na antas ng aktibidad ng bulkan, na nagpapahiwatig na posibleng magkaroon ng mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang araw o linggo.


Muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa mga posibleng panganib, kabilang ang biglaang pagsabog, pagguho ng mga bato, pagdaloy ng lava at pagbagsak ng abo.


—RA Sibag/Paraluman News


bottom of page