May bahid ng nostalgia: PH naglunsad ng mga selyo para sa ASEAN summit
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 5, 2026 at 9:07:42 AM
Magbibigay ang Pilipinas ng nostalhik na tampok sa pagho-host nito sa ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong ngayong Nobyembre sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga opisyal na selyo ng ASEAN at serbisyong pagpapadala ng postcard para sa mga dayuhang delegado at bisita.
Tampok sa bagong inilunsad na selyo ang opisyal na logo ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN. Inilabas ito kasabay ng mga bagong postcard na nagtatampok ng mga destinasyong panturista sa seremonya ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) at Department of Tourism (DOT) sa Makati City.
Bilang bahagi ng magkasanib na inisyatibang ito, magtatayo ang PHLPost ng mga nakalaang himpilan ng serbisyong koreo sa ASEAN International Media Center at World Trade Center. Magkakaroon ng pagkakataon ang mga delegado na sumulat at magpadala ng mga pagbating postcard na may opisyal na selyo ng Pilipinas sa mga tatanggap saanman sa mundo.
Binigyang-diin ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay ang kahalagahang pangkultura ng proyekto. Aniya, layunin nitong mas mailapit ang bansa sa pandaigdigang komunidad.“Magiging paanyaya natin sa mundo ang mga postcard at selyong ito. Sa pamamagitan ng mga ito, hangad nating maibahagi hindi lamang ang kagandahan ng ating mga destinasyon kundi maging ang mga kuwento, tradisyon at pagkakakilanlang pangkultura na dahilan kung bakit tunay na minamahal ng marami ang Pilipinas (These postcards and stamps will serve as our invitation to the world. Through them, we hope to share not only the beauty of our destinations but also the stories, traditions, and cultural identity that make the Philippines truly loved by many)," pahayag ni Angara-Mathay.
Binigyang-diin naman ni PHLPost CEO at Postmaster General Maximo Sta. Maria III na pagkakataon ang programa upang maipakita ang pangmatagalang halaga ng tradisyonal na pagpapadala ng liham sa gitna ng digital na panahon.“Maaaring simple lamang ang mga ito, ngunit may mahalagang kahulugan ang mga postcard at selyo. Nagkukuwento ang mga ito tungkol sa mga karanasan at lumilikha ng ugnayan sa pagitan ng mga tao, lugar at kultura (These may seem like simple gestures, but postcards and stamps carry something meaningful. They tell stories that capture experiences and create connections between people, places, and cultures)," ani Sta. Maria. Dagdag pa niya, magsisilbi rin itong konkretong alaala para sa mga dayuhang bisita ng kanilang pananatili sa bansa.
Magho-host ang Pilipinas ng ASEAN Leaders’ Summit mula Nobyembre 15 hanggang 17.
—Paraluman News, batay sa ulat ng Philippine News Agency

