top of page

Matapos umalis ang US military sa Iraq, Iran sinabing layunin nitong paalisin ang US sa Middle East

Ahmed Rasheed Reuters Muayad Hameed / Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

September 30, 2026 at 8:26:37 AM

Larawan ng isang US military transport aircraft sa Camp Victory near Baghdad International Airport sa Baghdad

Isang military transport aircraft ng US ang nakahimpil sa Camp Victory malapit sa Baghdad International Airport sa Baghdad, Iraq, Setyembre 29, 2026. Nakaiskedyul na umalis ang mga puwersa ng US sa kanilang huling mga base sa Iraq pagsapit ng Setyembre 30, na magwawakas sa mahigit dalawang dekadang presensiyang militar ng bansa sa Iraq. Kuha gamit ang mobile phone.

Stringer / Reuters

BAGHDAD — Aalis na ang mga puwersa ng US sa kanilang natitirang mga base sa Iraq sa Miyerkules, na nagdudulot ng pangamba na mag-iiwan ito ng puwang sa seguridad, higit na magpapalakas sa loob ng mga Shi'ite militia na suportado ng Iran at magbibigay ng pagkakataon sa muling lumalakas na Islamic State na makapag-organisa muli.


Ang pag-alis, na ipinagdiriwang bilang tagumpay ng Tehran at mga kaalyado nito, ay napagkasunduan noong 2024 sa ilalim ni dating Pangulong Joe Biden at ipinatupad ng administrasyon ni Donald Trump kahit nakikipagdigma ito laban sa Iran.


Nangyari ito 23 taon matapos pabagsakin ng mga puwersang pinamumunuan ng US si Saddam Hussein, na sinundan ng kaguluhan at karahasan na kalaunan ay humantong sa pag-usbong ng Islamic State.


Hinimok ng Islamic Revolutionary Guard Corps ng Iran ang mga Amerikano na iboto sa halalan ang mga kaalyado ni Trump sa Kongreso habang umaalis ang mga puwersa ng US sa kalapit na Iraq, kung saan unti-unting pinalalim ng Tehran ang impluwensya nito sa pamamagitan ng mga proxy matapos mapatalsik si Saddam.


Bagama't malawakang sinusuportahan ng mga Iraqi ang pag-alis ng mga puwersa ng US, nangangamba ang ilan na hindi pa rin kayang protektahan ng mga pwersang panseguridad na sinanay at pinondohan ng Estados Unidos ang bansa, kung saan 4,500 Amerikanong sundalo ang nasawi sa mahigit 20 taon ng digmaan.


"Ang aral mula sa nakalipas na dalawang dekada ay maaaring maging lubhang mapanganib ang mga puwang sa seguridad (The lesson from the past two decades is that security vacuums can be extremely dangerous)," sabi ni Jassim al-Bahadli, isang Iraqi analyst na nagpapayo sa mga puwersang panseguridad.


Matapos salakayin ng mga puwersa ng US ang Iraq noong 2003, sinakop nito ang bansa, nagtatag ng pamahalaang pinamumunuan ng mga Shi'ite at nakipaglaban sa ilang taong insurgency — una laban sa mga tagasuporta ni Saddam, at pagkatapos ay laban sa al-Qaeda, habang winasak ng sectarian civil war ang Iraq — bago tuluyang umalis noong huling bahagi ng 2011. Bumalik ang mga ito makalipas ang wala pang tatlong taon upang tulungan ang mga puwersang Iraqi na talunin ang Islamic State, isang grupong militanteng Sunni na nanakot sa milyun-milyong tao, sa isang malawakang digmaan mula 2014 hanggang 2017.


Halos dalawang beses na mas maraming Amerikano ang nasawi sa "Operation Iraqi Freedom" kumpara sa hiwalay na digmaan sa Afghanistan, na nagtapos sa biglaang pag-alis ng US noong 2021.


Sa tunggalian ngayong taon laban sa Iran, pito sa 18 Amerikanong sundalo na nakatalang nasawi ay nasa Iraq. Ang pinakahuli ay isang army sergeant na namatay noong Hulyo habang isinasagawa ang kontroladong pagpapasabog sa isang drone sa isang base malapit sa Erbil.


IRAN, MGA KAAALYADO ANG TAGUMPAY


Sinabi ng Iran na ang pangwakas nitong layunin ay mapaalis ang mga puwersang Amerikano sa buong Middle East. Inilalarawan nito ang pag-alis ng US sa Iraq bilang tagumpay ng tinatawag nitong "axis of resistance," o alyansa ng mga armadong grupo na kaalyado nito sa iba't ibang bahagi ng rehiyon.


"Ang higit na nakababahala ay hindi naman kinakailangang direktang panghihimasok ng Iran, kundi ang posibilidad na lalo pang lumakas ang loob ng mga proxy ng Iran sa kawalan ng presensiyang militar ng Kanluran. Maaaring subukan ng mga grupong ito na palawakin ang kanilang papel sa paghubog ng mga polisiya ng estado at higit pang pagtibayin ang kanilang presensiya sa mahahalagang institusyon (What is further concerning is not necessarily direct Iranian intervention, but the possibility that Iran's proxies will feel increasingly empowered in the absence of a Western military presence. These groups may attempt to expand their role in shaping state policies and consolidating their presence within key institutions)," sabi ni Ahmed Younis, isang political analyst na nakabase sa Baghdad.


Sinabi naman ng ilang opisyal ng seguridad sa Iraq, kapwa sa pederal na pamahalaan at sa semi-autonomous na rehiyong Kurdish sa hilaga, na maaari ring muling sumigla ang mga mandirigma ng Islamic State dahil sa pag-alis ng US. Bagama't natalo ang ipinahayag nilang caliphate halos isang dekada na ang nakalipas, mayroon pa ring network ng mga sleeper cell ang grupo.


Sa kasagsagan ng kanilang kapangyarihan, nasakop ng mga militante ang ikatlong bahagi ng Iraq at pinaslang ang libu-libong tao, kabilang ang daan-daang biktima ng kinunan nila ng video habang binabaril sa loob ng dating base militar ng US.


Nagbibigay ang mga sundalong Amerikano ng kritikal na intelligence sa mga puwersang panseguridad ng Iraq tungkol sa kilos ng Islamic State, gayundin ng aerial surveillance at reconnaissance.


"Ang pinakamahalagang tanong ngayon ay kung nakapaghanda na ba ang mga institusyong panseguridad ng Iraq ng isang maaasahang Plan B para sa panahong wala na ang coalition (The most important question now is whether Iraq's security institutions have prepared a viable Plan B for the post-coalition phase)," sabi ni retiradong Iraqi Army General Mohammed al-Jubouri, na namuno sa isang brigada noong digmaan laban sa Islamic State.


"Isa sa pinakamasamang posibleng senaryo ay ang pagkakaroon ng Islamic State ng mga armadong drone o improvised explosive drone sa panahong wala pa ring sapat na air defense capability ang Iraq upang epektibong labanan ang ganitong mga banta (One of the worst-case scenarios would be Islamic State obtaining armed drones or improvised explosive drones at a time when Iraq still lacks sufficient air defense capabilities to counter such threats effectively)."


bottom of page