top of page

Mambabatas sa Australia, naputulan ng isang binti matapos masagasaan sa labas ng kaniyang bahay

Renju Jose / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 21, 2026 at 5:38:26 AM

Larawan ni Helen Haines

FILE PHOTO: Kuha ni Helen Haines, independenteng kinatawan ng distrito ng Indi, habang nakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Press Gallery ng Parliament House sa Canberra, Australia, noong Setyembre 8, 2026.

AAP / Mick Tsikas / sa pamamagitan ng Reuters

SYDNEY/MELBOURNE — Nag-u-turn muna ang sasakyang bumangga sa isang independenteng mambabatas sa Australia sa labas ng kaniyang opisina bago siya sagasaan, ayon kay Prime Minister Anthony Albanese nitong Martes. Inilarawan niya ang insidente bilang malinaw na sinadya.


Sumailalim sa operasyon si Helen Haines noong Lunes ng gabi at nanatili sa kritikal na kondisyon matapos siyang mabangga ng isang puting Toyota Land Cruiser sa Wangaratta, may tatlong oras na biyahe sa hilagang-silangan ng Melbourne.


Iniulat ng mga media sa Australia, batay sa mga hindi pinangalanang source, na naputulan ng isang binti si Haines dahil sa mga tinamong pinsala. Sinisikap naman ng mga doktor na mailigtas ang kaniyang kabilang binti.


“Malinaw na sinadya ang ginawa rito. Hindi ito aksidente o basta pagdulas lamang ng sasakyan palabas ng kalsada (It's clear that there was a deliberate act here. This wasn't an accident, someone just skidding off the road),” sinabi ni Albanese sa ABC News.


Batay sa paunang imbestigasyon, nabangga si Haines habang nagkakarga o nagbababa siya ng mga gamit mula sa trunk ng kaniyang sasakyan, ayon kay Albanese.


Inaresto ang isang 43-anyos na lalaki matapos ang insidente. Kabilang ang mga awtoridad na nangangasiwa sa mga kasong terorismo sa ilang ahensiyang lumalahok sa imbestigasyon.


Isinasaalang-alang ng pulisya ang posibleng pagsasampa ng mga kaso, kabilang ang pananakit sa isang opisyal ng pamahalaan, na may pinakamataas na parusang 10 taong pagkakakulong. Patuloy din nilang inaalam ang motibo sa pag-atake.


“Sa ngayon, lumilitaw na isolated ang insidenteng ito (At this stage it appears this is an isolated incident),” ayon kay Australian Federal Police Commissioner Krissy Barrett.


DALAWANG BESES NA SINAGASAAN


Sinabi ni Home Affairs Minister Tony Burke sa ABC Radio na ayon sa mga saksi, umatras ang suspek gamit ang sasakyan at muling sinagasaan si Haines bago namagitan ang isang taong nakasaksi sa insidente.


Ayon sa mga media sa Australia, tumakbo si Ricky Jefferies mula sa kaniyang barberya upang pigilan ang suspek at alisin ang kutsilyong dala nito. Noong una, inakala niyang aksidente lamang sa sasakyan ang nangyari.


“Nakarinig ako ng malakas na kalabog at walang narinig na pagpreno. Nakakabigla ang nangyari kaya tumakbo ako palabas para tingnan kung ano ang nagaganap (I heard a loud bang with no brakes. It was crazy, I just ran out to the front to see what's happening),” sabi ni Jefferies sa mga reporter sa labas ng kaniyang tindahan.


“Noong una, hindi ko naunawaan kung gaano kaseryoso ang sitwasyon. Nang malaman ko na, ginawa ko ang makakaya ko, gaya ng ginagawa na rin ng ibang tao (I didn't realise the seriousness of the situation initially, and once it became relevant I just did what I could and what others were already trying to do).”


PAHUPAIN ANG TENSIYON


Bihira ang mararahas na pag-atake sa mga politiko sa Australia. Karaniwang nakikita sa mga supermarket, coffee shop at mga pagtitipon sa komunidad ang mga mambabatas ng pederal na pamahalaan, mga lider ng estado at maging ang mga punong ministro, kung saan nakakausap nila ang mga botante nang may kaunting seguridad lamang.


Nagtrabaho si Haines sa larangan ng nursing at midwifery at bilang akademiko bago siya nahalal bilang independenteng mambabatas noong 2019, na kumakatawan sa distrito ng Indi. Muli siyang nahalal noong 2022 at 2025.


Sa labas ng ospital kung saan ginagamot si Haines, sinabi ni Shawn Hill, isang residente ng Melbourne, na ipinakikita ng pag-atake na “patuloy na tumitindi ang pagkakahati-hati ng mga pananaw sa politika sa kasalukuyan.”


“Walang sinuman ang dapat malagay sa panganib, lalo na ang isang taong naglilingkod sa publiko at nagsisikap na gawin ang pinakamabuti para sa komunidad ng Australia (No one deserves to be put at risk of anything, especially someone who is serving the people and trying to do what is best for the Australian community),” sinabi ni Hill sa Reuters.


Hinimok ni Albanese ang mga Australiano na makipag-usap sa isa't isa nang may higit na paggalang. Ipinahayag din niya ang pagkabahala sa lumalalim na pagkakahati-hati sa bansa.


Binanggit din niya ang malaking pagdami ng mga banta laban sa mga politiko nitong mga nakaraang taon.


“Responsibilidad nating lahat na pahupain ang tensiyon (We all have a responsibility to turn the temperature down),” sabi ni Albanese. “Ayokong makitang magbago ang pagkakakilanlan at pagkatao ng Australia (I really don't want to see the character of Australia change).”


Helen Haines: Sino ang mambabatas sa Australia na tinarget sa pag-atake gamit ang sasakyan? Basahin ang buong ulat.


bottom of page