top of page

Malaysia, ipinasara ang mga paaralan dahil sa haze

Sandra Samala-Salem

October 9, 2026 at 10:56:59 AM

Larawan ng mga nagtataasang gusali sa Kuala Lumpur, Malaysia

Nababalot ng haze mula sa mga sunog sa kagubatan sa rehiyon ang mga matatayog na gusali sa Kuala Lumpur, Malaysia, noong Oktubre 9, 2026. REUTERS/Hasnoor Hussain

Hasnoor Hussain / Reuters

KUALA LUMPUR - Isasara sa Biyernes ang mga paaralan sa ilang estado ng Malaysia, gayundin sa kabisera nito at sentrong administratibo, matapos umabot sa hindi ligtas na antas ang polusyon sa hangin dahil sa makapal na usok at haze mula sa mga sunog sa kagubatan sa karatig-bansang Indonesia, ayon sa Kagawaran ng Edukasyon ng Malaysia.


Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga estado ng Johor, Malacca, Negeri Sembilan at Selangor sa tangway ng Malaysia, gayundin ang kabisera nitong Kuala Lumpur at ang sentrong administratibo nitong Putrajaya, ayon kay Ministro ng Edukasyon na si Fadhlina Sidek sa isang Facebook post nitong Huwebes ng gabi.


Isasara rin ang mga paaralan sa distrito ng Rompin sa estado ng Pahang, aniya.


“Hiniling ko sa lahat ng kagawaran ng edukasyon sa mga estado at tanggapan ng edukasyon sa mga distrito na patuloy na subaybayan ang sitwasyon ng haze at kumilos agad kung kinakailangan (I have asked all state education departments and district education offices to continue to monitor the haze situation and take immediate action if the situation requires it),” pahayag niya.


Itinuturing ng Air Pollutant Index ng Malaysia na “hindi malusog (unhealthy)” ang kalidad ng hangin kapag nasa 101 hanggang 200 ang antas nito, “lubhang hindi malusog (very unhealthy)” kapag nasa 201 hanggang 300, at “mapanganib (hazardous)” kapag lampas 300. Ayon sa datos ng pamahalaan, 37 lugar ang nagtala ng hindi malusog na antas ng API noong Biyernes ng umaga.


Patuloy na nahihirapan ang Indonesia na kontrolin ang mga sunog sa kagubatan at mga lupain sa ilang lalawigan nito. Nagdulot ang mga sunog ng makapal na haze sa mga karatig-bansa, kabilang ang Malaysia at Singapore.


Sinabi naman ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim nitong Huwebes na pumayag si Indonesian President Prabowo Subianto na gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang labanan ang haze, at handa ang Malaysia na magbigay ng tulong.


Ayon kay Anwar, hiniling niya sa ministro ng ugnayang panlabas ng Malaysia na itulak ang pagpupulong ng mga ministro mula sa samahan ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya (ASEAN) upang iugnay ang pagtugon ng rehiyon sa haze at suportahan ang mga pagsisikap ng Indonesia.


bottom of page