Malacañang, ipinag-utos ang alternatibong work at learning setup sa Metro Manila, 13 lalawigan
Sari Story
September 10, 2026 at 6:43:26 AM
MANILA – Ipinag - utos ng Malacañang nitong Huwebes ang pagpapatupad ng alternative work at learning arrangements sa Metro Manila at 13 iba pang lalawigan dahil sa patuloy na pag-ulan at mga epekto nito.
Nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, sa bisa ng awtoridad mula sa Pangulo, ang Memorandum Circular (MC) No. 135, kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan na dulot ng pinaigting na Southwest Monsoon o habagat, gayundin ng pinagsama-samang epekto ng matagal na pag-ulan.
Saklaw ng MC No. 135 ang National Capital Region, La Union, Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Magpapatuloy naman ang operasyon ng mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo at serbisyong pangkalusugan, paghahanda at pagtugon sa sakuna, at iba pang mahahalagang serbisyo.
“Nararapat bayaran ang mga Contract of Service at Job Order workers na ilalagay sa ilalim ng alternative work arrangements ng kaukulang sahod o suweldo, alinsunod sa mga umiiral na tuntunin at regulasyon,” ayon sa kautusan.
(“Contract of Service and Job Order workers who are placed under alternative work arrangements shall be paid the corresponding wages or salaries, subject to applicable rules and regulations.”)
Ipapatupad ang alternatibong paraan ng pag-aaral para sa mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga apektadong lugar, maliban kung may iba kautusan ang mga local chief executive.
Maaari ring magpatupad ang mga local chief executive ng lokal na suspensyon ng klase at/o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa iba pang lugar.
Para naman sa pribadong sektor, nakasalalay sa pagpapasya ng kanilang pamunuan ang suspensyon ng trabaho o pagpapatupad ng alternative work arrangements.

