Mahigit 100 dayuhang trekker, na-stranded sa bahang rehiyon sa Nepal
Sari Story
October 13, 2026 at 5:13:26 AM
Makikita sa kuhang drone ang mga lugar na naapektuhan ng pagbaha ng Budhi Gandaki River kasunod ng pagguho ng lupa sa nayon ng Chumnubri, distrito ng Gorkha, Nepal. Kuha ito sa larawang ipinagkaloob sa Reuters noong Oktubre 11, 2026.
Reuters / National Trust for Nature Conservation-Manaslu Conservation Area Project
Mahigit 100 dayuhang trekker ang na-stranded sa iba’t ibang lugar matapos tangayin ng pagbaha sa isang ilog sa gitnang Nepal nitong weekend ang mga hiking trail at tulay, ayon sa isang opisyal nitong Lunes.
Nasagip ng mga awtoridad ang 96 katao, kabilang ang siyam na dayuhan, matapos harangan ng landslide nitong Linggo sa distrito ng Gorkha, may 100 kilometro (62 milya) sa kanluran ng Kathmandu, ang Budhi Gandaki River na nagdulot ng pagbaha sa mga lugar sa ibabang bahagi ng ilog.
Sangay ng Trishuli River ang Budhi Gandaki River. Nasa ibabang bahagi naman ng isa pang sangay ng Trishuli River ang lugar kung saan naganap ang pagbagsak ng isang glacier na nagdulot ng mapaminsalang baha noong Agosto. Umabot sa 1,457 katao ang nasawi sa insidenteng iyon, habang libo-libo pa rin ang nawawala.
Ayon sa hukbo ng Nepal, nagpatuloy nitong Lunes ang operasyon sa pagsagip kahit humupa na ang baha.
Wala pang naiuulat na nasawi sa pinakahuling pagbaha, ngunit hindi makontak ang limang residente matapos tangayin ng rumaragasang ilog na may dalang maitim na putik at mga labi ang mga bahay at masira ang mga imprastraktura, kabilang ang tatlong hydroelectric power plant, ayon sa mga pambansang awtoridad sa pagtugon sa sakuna.
Ayon kay Bhuwan Raj Ojha, isang opisyal ng Manaslu Conservation Area Project (MACP) na sumasaklaw sa isang tanyag na trekking route, mahigit 100 dayuhang trekker ang na-stranded sa iba’t ibang lugar at hindi makabalik dahil tinangay ng baha ang ilang bahagi ng daanan.
“Ang mga trekker na gustong bumalik dahil sa baha ay kailangang sagipin. Maaari namang ipagpatuloy ng mga gustong mag-trekking ang kanilang paglalakbay mula sa mga ligtas na lugar (Those hikers who want to return because of the flood need to be rescued. Those who want to continue their trekking can do so from locations that are safe),” sinabi ni Ojha sa Reuters mula sa Gorkha.
“May mga restawran at tea house sa kahabaan ng ruta. Ligtas ang mga ito (There are restaurants and tea houses along the route. They are safe).”
Ayon sa International Centre for Integrated Mountain Development (ICIMOD), posibleng sanhi ng pinakahuling pagbaha ang pagguho ng pansamantalang bara sa ilog na nabuo dahil sa landslide. Batay ito sa paunang ulat ng mga awtoridad ng Nepal na sinuri ng ICIMOD.
“Ang insidenteng ito ay isa na namang paalala kung gaano kalantad sa biglaang sunod-sunod na panganib ang mga komunidad sa kabundukan at mga lugar sa kahabaan ng mga ilog (This event is another reminder of how exposed mountain communities and river corridors remain to sudden, cascading hazards),” ani Pema Gyamtsho, director general ng ICIMOD.
“Bagama’t dapat manatiling pangunahing prayoridad ang mga pagsisikap sa pagtugon sa sakuna, mahalagang maunawaan kung ano ang sanhi ng pagbaha upang mabawasan ang mga panganib sa hinaharap at mapalakas ang kakayahan ng mga komunidad na makabangon (While response efforts must remain the immediate priority, understanding what triggered this flood will be critical for reducing future risks and strengthening resilience).”

