Magkasintahan, itinuloy ang kasal kahit hanggang beywang ang baha
Sari Story
September 4, 2026 at 11:31:56 AM
Sabi nila, “Love conquers it all” o “Lahat kakayanin ng pag-ibig.”
Patunay riyan ang pag-iisang dibdib nina Mr. at Mrs. Chico sa Parokya ng San Juan Bautista sa Hagonoy, Bulacan, kahit hanggang bewang ang taas ng tubig sa loob ng simbahan.
Sa halip na umatras, itinuloy pa rin ng bride ang paglalakad niya sa “water aisle” matapos ipaayos ang kaniyang gown para hindi makasagabal sa paglakad niya papunta sa altar ng simbahan.
Ayon naman sa pamunuan ng parokya, pinayuhan nila ang mag-asawa na ipagpaliban ang kasal, pero nagpasya silang ituloy ito dahil sa ilang personal na dahilan.
“Ipinaayos pa nga ng bride ang kaniyang gown at pinaikli ito para hindi maging sagabal sa kaniyang 'water aisle.' Gumamit na lamang din ng portable speaker ang simbahan dahil wala na ring kuryente para sa sound system,” nakasaad sa post ng Ang Tinig ng St. John the Baptist Parish Hagonoy, Bulacan.
Humanga rin ang parokya sa mag-asawa dahil hindi sila nagpatinag matuloy lamang ang pagpapalitan ng “I Do” kahit pa marami nang aberya gaya ng matinding pagbaha sa Hagonoy.
“Isang eksenang parang sa pelikula mo lang masasaksihan—hindi alintana ang mga balakid at mga pagsubok, hahamakin ang lahat para sa pagmamahal, susuungin ang baha, maitawid lamang ang pangako na ang dalawang pusong umiibig, sa harap ng altar dudulog at magiging opisyal na Mr. & Mrs.!” sabi pa nito sa post.

