Lisensya ng rider, binawi matapos kumalat ang video ng malaswang paglalantad
Sandra Samala-Salem
September 25, 2026 at 4:25:38 PM
MANILA – Binawi ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng dalawang taon ang lisensya ng isang motorcycle rider matapos siyang ideklarang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” dahil sa viral na insidente ng malaswang paglalantad.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na pinaglabas ng show cause order (SCO) ang rider.
“Ang pampublikong kalsada ay hindi kailanman lugar para pairalin ang kabastusan at kawalan ng respeto sa ibang tao. May mga batas at alituntuning ipinapatupad ang LTO na dapat sundin at hindi balewalain (The public road is not a place for indecency and disrespect toward others. The LTO enforces laws and regulations that must be followed and not ignored),” ani Lacanilao.
Sa isang viral na post at video, sinabi ng isang babae na isang lalaking sakay ng motorsiklo ang umano’y naglantad ng kanyang maselang bahagi habang naglalakad siya. Lumutang din ang mga ulat tungkol sa isa pang katulad na insidente na kinasasangkutan umano ng parehong rider.
Sa pagdinig, personal na humarap ang rider at kinumpirmang siya ang taong nasa viral na video.
Inamin din niya na dalawang beses nang nangyari ang insidente, ngunit ipinaliwanag niyang ibang motorsiklo ang ginamit sa mga pagkakataong iyon at hindi ang motorsiklo na sakop ng imbestigasyon ng LTO.
Nananatiling nasa alarm status ang motorsiklo sakop ng imbestigasyon.
“Kung ang isang kilos ay nagdudulot ng pagkatakot at pangamba sa ibang tao, hindi natin palalampasin ang ganitong uri ng kabastusan. Nararapat lamang na bawiin ang lisensya niya (If an act causes fear and alarm to others, we will not let this kind of indecency pass. It is only proper that his license be revoked),” dagdag ni Lacanilao.

