Korte Suprema: Sinumang kasarian ay maaaring maging biktima ng seksuwal na karahasan
RA Sibag/ Paraluman News with Philippine News Agency; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
October 30, 2026 at 8:29:25 AM
Babala sa nilalaman: Naglalaman ang kuwentong ito ng mga detalye tungkol sa seksuwal na pang-aabuso sa bata.
Iginiit ng Korte Suprema noong Biyernes, Oktubre 30, na maaaring maging biktima ng seksuwal na karahasan ang sinuman, anuman ang kasarian, matapos pagtibayin ang hatol na pagkakasala laban sa isang babaeng nang-abuso sa kaniyang 11-anyos na pamangkin.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagtibay ng Korte Suprema en banc ang mga naunang desisyon ng mabababang hukuman na naghatol sa babae na nagkasala sa kasong acts of lasciviousness sa ilalim ng Republic Act No. 7610, o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Nag-ugat ang kaso sa isang insidente noong 2018 kung saan inutusan ng babae ang bata na maghubad at humiga sa kaniyang kama habang dumadalaw ito sa mga kamag-anak. Pagkatapos nito, isinailalim siya ng babae sa mga seksuwal na gawain.
Ibinasura ng Korte ang argumento ng babae na pumayag ang bata sa ginawa sa kaniya. Binigyang-diin nito na 11 taong gulang lamang ang bata noon at, alinsunod sa batas na umiiral noong panahong iyon, wala pa siya sa itinakdang edad na 12 upang makapagbigay ng wastong pahintulot sa mga seksuwal na gawain.
Ayon sa mga rekord ng korte, nakaranas ang bata ng matinding emosyonal na paghihirap at post-traumatic stress disorder (PTSD) matapos sumailalim sa pagsusuring sikolohikal at therapy. Binanggit din ng Korte Suprema na nagdulot ang insidente ng pangmatagalang trauma sa biktima at naging dahilan upang maniwala siyang kusang-loob siyang nakilahok sa pang-aabuso.
Sa desisyon nito, iginiit ng Korte na hindi nakabatay sa kasarian ang seksuwal na karahasan at nararapat na makatanggap ang mga lalaking biktima ng kaparehong proteksiyon sa ilalim ng batas na ipinagkakaloob sa mga babaeng biktima.
Hinatulan ang babae ng pagkakabilanggo nang siyam hanggang 16 na taon at inutusang magbayad ng ₱250,000 bilang kabayaran sa pinsala at danyos.

