top of page

Korte Suprema, pinawalang-bisa ang kasal ng mag-asawa dahil sa maling sinumpaang salaysay ng pagsasama

Sandra Samala-Salem

October 3, 2026 at 3:52:41 PM

Larawan ng Supreme Court

Ibinasura ng Third Division ng Korte Suprema ang petisyong kumikilala sa bisa ng kasal ng mag-asawa sa kabila ng kawalan ng lisensya sa pagpapakasal. Nagsama ang dalawa bilang mag-asawa mula Disyembre 2003.

Rizalino Antonio Pulumbarit / Paraluman News

MANILA – Idineklara ng Korte Suprema (SC) na walang bisa ang kasal ng isang mag-asawa matapos mapatunayang hindi totoo ang kanilang pahayag na limang taon na silang nagsasama, na siyang ginamit upang hindi na kumuha pa ng lisensya sa pagpapakasal.


Sa isang pahayag nitong Biyernes, ibinasura ng Third Division ng mataas na hukuman ang petisyon na kumikilala sa bisa ng kasal ng mag-asawa sa kabila ng kawalan ng lisensya sa pagpapakasal. Nagsama ang mag-asawa bilang mag-asawa mula Disyembre 2003.


Noong 2006, nagtungo sa Israel ang lalaki upang magtrabaho at bumalik noong 2009 upang pakasalan ang kanyang asawa. Para makapagpakasal nang walang kinakailangang lisensya, gumawa ang mag-asawa ng sinumpaang salaysay tungkol sa kanilang pagsasama, kung saan sinabi nilang anim na taon na silang nagsasama at exempted sila sa pagkuha ng lisensya sa pagpapakasal sa ilalim ng Family Code.


Noong 2013, naghain ang lalaki ng petisyon upang ideklarang walang bisa ang kanilang kasal, iginiit pa nito na mali ang sinumpaang salaysay dahil nasa Israel siya sa malaking bahagi ng panahong saklaw nito.


Pinaboran naman ito ng Regional Trial Court (RTC) at napag-alamang hindi aktuwal na nagsama ng tuloy-tuloy ang mag-asawa sa loob ng limang taon bago ang kanilang kasal.


Pinagtibay ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC at sinabing ang pagkawala ng lalaki mula 2006 hanggang 2009 ang nagputol sa kinakailangang panahon ng pagsasama. Sinabi rin nito na hindi maaaring ipalit ang sinumpaang salaysay sa lisensya sa pagpapakasal.


Naghain ang Office of the Solicitor General ng petisyon sa SC at iginiit na hindi nangangailangan ng palagiang pisikal na pagsasama ang cohabitation at hindi natapos ang kanilang relasyon dahil sa pagtatrabaho ng lalaki sa Israel, sa kadahilanang bumalik naman ito sa Pilipinas upang pakasalan ang kanyang asawa.


Iginiit din nito na hindi maaaring sabihin ng lalaki na mali ang sinumpaang salaysay matapos niya itong kusang-loob na pirmahan at gamitin upang makakuha ng exemption sa lisensya sa pagpapakasal.


Hindi sumang-ayon ang SC at ipinaalala na sa ilalim ng Article 3(2) ng Family Code, kailangan ang balidong lisensya sa pagpapakasal bilang isa sa mga pormal na batayan ng kasal.


Ipinaliwanag din nito na may exemption sa ilalim ng Article 34 para sa mga mag-asawang nagsama bilang mag-asawa nang hindi bababa sa limang taon at walang legal na hadlang sa kanilang pagpapakasal. Kailangang ilahad ng mag-asawa ang mga ito sa isang sinumpaang salaysay, habang ang opisyal na nagkasal ay kailangang gumawa ng sinumpaang pahayag na nagpapatunay na walang legal na hadlang sa kanilang pagpapakasal.


Muling iginiit ng SC na ang limang taong panahon ng pagsasama ay binibilang pabalik mula sa petsa ng kasal. Kailangang nagsama ang mag-asawa nang tuloy-tuloy at eksklusibo, nang walang pagkaantala o pagkakaroon ng ibang tao sa relasyon.


Nilinaw nito na hindi nakapipigil sa pagpapatuloy ng pagsasama ang pansamantalang pagkawala ng isa sa mag-asawa kung patuloy pa rin silang namumuhay bilang mag-asawa. Halimbawa nito ang patuloy na pagbabahagi ng tahanan at mga gastusin o hayagang pagpapakilala sa kanilang sarili bilang mag-asawa.


Napag-alaman ng SC na hindi natugunan ng mag-asawa ang limang taong kinakailangan, dahil magkahiwalay silang namuhay at paminsan-minsan lamang nagsasalo sa isang inuupahang kuwarto kasama ang kanilang mga kamag-anak mula 2001 hanggang 2004.


Mula 2005 hanggang 2009, habang nasa Israel ang lalaki, walang ebidensyang nagpakilala na sila ay mag-asawa o may layunin pang bumalik ang lalaki sa Pilipinas upang makasama ang kanyang asawa.


Napag-alaman din ng SC na ipinakita ng testimonya ng lalaki na hindi sila nagsama ng kanyang asawa nang tuloy-tuloy sa loob ng limang taon, kaya walang naging katunayan ang kanilang sinumpaang salaysay na isinumite sa opisyal na nagkasal. Pinagtibay rin ng kanyang testimonya ang natuklasang hindi nila natugunan ang limang taong panahon ng pagsasama. 


bottom of page