top of page

King Charles at Royal Family, ginunita ang ika-60 anibersaryo ng trahedya sa Aberfan

Reuters / Mathieu Willcocks; Isinalin ng Sari Story Network

October 22, 2026 at 4:08:45 AM

Larawan nina King Charles at Queen Camilla

Nagpaunlak ng larawan sina King Charles at Queen Camilla ng Britain bago ang isang State Banquet sa Windsor Castle, sa gitna ng state visit ni Sultan Haitham bin Tariq ng Oman sa Britain, sa Windsor, Britain, noong Oktubre 20, 2026.

Reuters / Isabel Infantes

Bibisita si King Charles sa South Wales ngayong Miyerkules, kasama ang kaniyang asawa at anak, upang gunitain ang ika-60 anibersaryo ng trahedya sa Aberfan na kumitil sa buhay ng 144 katao at nag-iwan ng matinding epekto sa kaniyang ina, ang yumaong Queen Elizabeth II.


Mag-aalay ng mga korona ng bulaklak sina Charles, Queen Camilla, at ang tagapagmana ng trono na si Prince William sa isang memorial garden. Bihirang magsama-sama sa isang pagbisita ang tatlong nakatataas na miyembro ng royal family dahil karaniwan silang dumadalo sa magkakahiwalay na mga aktibidad, na nagpapakita ng kahalagahan ng trahedya sa kanilang pamilya.


Noong 1966, matapos ang ilang araw na malakas na pag-ulan, gumuho ang isang bunton ng basurang karbon at nagdulot ng pagguho ng lupa sa Aberfan na tumabon sa paaralan ng nayon at mga kalapit na bahay. Sa 144 na nasawi, 116 ang mga bata, na karamihan ay nasa edad pito hanggang 10 taon.


Bumisita si Queen Elizabeth II walong araw matapos ang trahedya at kitang-kita ang kaniyang matinding pagdadalamhati habang nakikipagkita sa mga magulang ng mga batang nasawi. Ilang beses pa siyang bumalik sa nayon.


"Malinaw ko pa ring naaalala ang pagbisita namin ni Prince Philip matapos ang trahedya at ang maliit na pumpon ng mga bulaklak na ibinigay sa akin ng isang batang babae, na may nakadudurog-pusong mensaheng 'mula sa mga natitirang bata ng Aberfan (I well remember my own visit with Prince Philip after the disaster and the posy I was given by a young girl which bore the heartbreaking inscription 'from the remaining children of Aberfan),” sinabi niya noong ika-50 anibersaryo ng trahedya.


Sa paggunita sa ika-60 anibersaryo ng pagguho ng lupa ngayong Miyerkules, sinabi ni British Prime Minister Andy Burnham na nasa kaniyang isip ang mga residente ng nayon.


Makikipagkita rin sina Charles, Camilla, at William sa mga nakaligtas sa trahedya at sa mga magulang na nawalan ng mga anak upang magbigay-pugay sa mga nasawi.


Sa isang community center sa nayon, magbibigay ng talumpati si Jeff Edwards, na walong taong gulang nang makaligtas sa pagguho ng lupa.


Sa paglipas ng mga taon, naging malapit sina Edwards at Queen Elizabeth. Tinatawag siya noon ng reyna na "ang batang lalaking may blond na buhok."


Magbibigay rin ng talumpati si Charles bago magtungo ang tatlo sa bagong paaralan ng nayon upang pangunahan ang pagpapasinaya ng isang eskulturang itinayo bilang paggunita sa trahedya.


bottom of page