top of page

Karamihan sa mga Pilipino, nagsabing may masamang epekto sa kanilang kapakanan ang negatibong pagtingin sa sariling pangangatawan

Ulat mula sa Arkipelago; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network

November 4, 2026 at 11:45:50 AM

Larawan ng isang Graph

​

Ipinakikita ng isang bagong inilabas na sarbey na isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas noong Pebrero 2025 sa pamamagitan ng online at offline na pamamaraan na patuloy na may malaking epekto sa kapakanan ng mga Pilipino ang kanilang pagtingin sa sariling pangangatawan.


Pinakamalaki ang naitalang negatibong epekto sa mga nakababatang nasa hustong gulang, partikular sa edad na 18 hanggang 24, kung saan 52 porsyento ang nagsabing nakaaapekto ito nang masama sa kanilang kapakanan. Mas mataas ito nang 6 na porsyento kumpara sa pandaigdigang karaniwang bilang para sa kaparehong pangkat ng edad.


Samantala, 41 porsyento naman ng mga nasa edad 25 hanggang 34 ang nakaranas ng masasamang epekto, kasunod ang 35 porsyento sa pangkat na edad 35 hanggang 44.


Sa mga respondent na edad 45 hanggang 54 at 55 hanggang 64, kapwa 22 porsyento ang nag-ulat na nakaranas sila ng negatibong epekto. Pinakamababa naman ang naitalang bilang sa mga edad 65 pataas, na may 18 porsyento.


Nang tanungin tungkol sa uri ng mga epektong kanilang naranasan, karamihan sa mga kalahok ay nagsabing pinakamadalas na bunga nito ang pagbaba ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili. Sinundan ito ng pagtaas ng stress o pagkabalisa, at pagkatapos ay depresyon o matagal na pananatili sa malungkot na pakiramdam.


Kabilang din sa mga madalas na binanggit na epekto, bagama’t hindi kasingdalas ng mga nauna, ang pag-iwas sa mga pagtitipong panlipunan, mga suliranin sa pakikipagrelasyon, at hindi maayos na gawi sa pagkain.


Bukod dito, karamihan sa mga nagsabing negatibong naaapektuhan ng kanilang pagtingin sa sariling pangangatawan ang kanilang kapakanan ay nagsabing bahagyang mas negatibo (slightly more negative) ang kanilang kasalukuyang pagtingin sa kanilang katawan kumpara noong 2024. Ipinahihiwatig nito na maaaring lalong tumitindi ang kanilang mga alalahanin sa paglipas ng panahon.


Layunin ng sarbey na alamin kung paano nararanasan ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang pangkat ng edad ang usapin ng pagtingin sa sariling pangangatawan at ang kaugnayan nito sa kanilang kapakanan. Nangangalap din ito ng datos tungkol sa kalusugang pangkaisipan at mga kaugnay na pag-uugali.


Pinagsama sa pag-aaral ang mga online questionnaire, survey na sinagutan sa papel, at mga personal na panayam.


Gumamit ang pag-aaral ng stratified sampling, isang paraan ng pagpili ng mga kalahok batay sa magkakahiwalay na pangkat, at nakalikom ito ng mga sagot mula sa 402 kalahok sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang matiyak ang malawak na representasyon.


Tinatayang namang nasa limang porsyento ang posibleng antas ng paglihis sa mga resulta (margin of error).


“Patuloy na mahalagang usapin para sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang kalagayan sa buhay ang mga hamong may kaugnayan sa pagtingin sa sariling pangangatawan. Gayunman, ipinakikita ng aming mga natuklasan na higit na madaling maapektuhan ang mga pinakabatang pangkat ng edad (Body image challenges remain a critical concern for Filipinos of different backgrounds, but our findings indicate that the youngest age groups are especially susceptible),” ayon kay Anna Mae Yu Lamentillo, ang nagtatag ng Arkipelago Analytics.


“Malaki ang papel na ginagampanan ng mabilis na pagbabago sa impluwensya ng midya, mga pamantayang pangkultura, at mga inaasahan ng lipunan. Ang patuloy na pagbabagong ito ay maaaring magdulot ng mga konkretong epekto sa kalusugang pangkaisipan (Rapid changes in media influence, cultural standards, and societal expectations all play a role, and these evolving pressures can translate into tangible mental health implications).”


Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga pamamaraan ng pagsasagawa ng sarbey o upang makatanggap ng mas detalyadong paglalahad ng mga resulta, maaaring makipag-ugnayan sa Arkipelago Analytics sa pamamagitan ng cio@arkipelago.asia.


Matatagpuan din sa kanilang website na arkipelagoanalytics.com ang iba pang detalye, kabilang ang pagsusuri sa mga nakalap na datos.


bottom of page