Karamihan sa mga Gen Z na Pilipinong nais magpakasal, mas gustong gawin ito matapos ang edad na 35
Ulat mula sa Arkipelago; Isinalin ni Sandra Salem/Sari Story Network
November 4, 2026 at 11:45:50 AM
Sumasailalim sa isang tahimik na pagbabago ang pag-aasawa sa Pilipinas—isang pagbabagong hindi lamang hinuhubog ng mga pambansang trend kundi pati na rin ng umuusbong na mga pagpapahalaga ng pinakabatang henerasyon ng mga nasa hustong gulang sa bansa.
Ayon sa bagong inilabas na datos ng pamahalaan, bumaba nang 7.8 porsyento ang bilang ng mga rehistradong kasal noong 2023, mula 449,428 noong 2022 ay naging 414,213. Bumaba rin ang crude marriage rate (CMR) o bilang ng mga kasal sa bawat 1,000 katao, mula 4.0 ay naging 3.7. Ipinakikita nito ang mas malawak na pagbabago sa pananaw ng mga Pilipino pagdating sa pagpapakasal at pagbuo ng pamilya.
Higit pa sa mga bilang ang ipinakikita ng mga pambansang datos na ito. Sumasalamin din ang mga ito sa pagbabago ng pananaw ng bawat henerasyon, partikular ng mga Pilipinong kabilang sa Gen Z, na higit na kinukuwestiyon ang mga nakaugaliang inaasahan ng lipunan at muling binibigyang-kahulugan ang kahalagahan ng pag-aasawa.
Sa isang kamakailang sarbey na nakatuon sa pangkat na ito, lumabas na 40 porsyento lamang ng mga respondent na kabilang sa Gen Z ang nagsabing nais nilang magpakasal balang araw. Sa bilang na ito, malaking bahagi na umaabot sa 60 porsyento ang mas gustong magpakasal matapos ang edad na 35, na mas huli kumpara sa karaniwang edad ng pagpapakasal ng mga naunang henerasyon.
“Ipinakikita ng mga natuklasan na mas pinag-iisipan nang mabuti ng mga Pilipinong kabilang sa Gen Z ang pagpapakasal (The findings indicate that Gen Z Filipinos are approaching marriage with greater intentionality),” ayon kay Anna Mae Yu Lamentillo, ang nagtatag ng Arkipelago Analytics.
“Sa halip na sumunod sa mga nakagawiang panahon ng pagpapakasal, mas binibigyang-prayoridad ng marami ang kahandaang emosyonal, mga personal na mithiin, at pangmatagalang pagiging angkop sa isa’t isa (Rather than following traditional timelines, many are prioritizing emotional readiness, personal goals, and long-term compatibility),” dagdag niya.
Malaki ang ipinahihiwatig ng pagbabagong ito sa panahon ng pagpapakasal. Kung para sa mga naunang henerasyon ay maaaring itinuturing na mahalagang yugto ng buhay ang pag-aasawa sa edad na 20 pataas, tila mas tinitingnan naman ito ng Gen Z bilang isang pangmatagalan at pinag-isipang pangako, isang desisyong dapat tahakin nang may sapat na gulang at katatagan sa halip na madaliin o gawin dahil lamang sa inaasahan ng iba.
Ipinakita rin ng sarbey na 55 porsyento ng mga respondent na kabilang sa Gen Z ang hindi nakakaramdam ng anumang panggigipit na magpakasal. Ipinahihiwatig nito ang lumalaking pagpapahalaga sa sariling pagpapasya at kahandaang emosyonal. Para sa marami, ang desisyong magpakasal—kung pipiliin man nila ito—ay nakabatay sa tiwala, pakikipagsama, at magkakatulad na pagpapahalaga sa buhay.
Nang tanungin kung bakit nila isasaalang-alang ang pagpapakasal, higit na binigyang-diin ng karamihan sa mga sumagot na kabilang sa Gen Z ang mga emosyonal na dahilan at ugnayan sa kapareha.
Pinakamarami ang nagsabing nais nilang makasama sa buhay ang isang taong lubos nilang minamahal at pinagkakatiwalaan. Sinundan ito ng kagustuhang magkaroon ng makakasama at katuwang habambuhay, gayundin ng pagiging magkatugma sa usaping sekswal at pagkakaroon ng pisikal na ugnayan.
Mas kaunti naman ang nagsabing nais nilang magpakasal upang magpalaki ng mga anak, bumuo ng tahanan, o matugunan ang inaasahan ng pamilya at lipunan. Kapansin-pansin din na maliit na porsyento lamang ang tumukoy sa paniniwalang panrelihiyon o katatagang legal at pinansyal bilang pangunahing dahilan ng pagpapakasal.
Makikita rin ang pagbabago sa pananaw tungkol sa pag-aasawa sa mga pagkakaiba ng bilang ng mga kasal sa bawat rehiyon at panahon ng taon.
Pinakamataas ang bilang ng mga rehistradong kasal noong 2023 sa CALABARZON, na bumubuo sa 14.6 porsyento ng kabuuang bilang sa bansa. Sinundan ito ng National Capital Region na may 12.5 porsyento at Central Luzon na may 11.5 porsyento. Kabilang ang mga rehiyong ito sa may makakapal na populasyon at lumalawak na mga sentrong urban.
Sa kabilang banda, naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinakamababang bilang ng mga kasal, na bumubuo lamang sa 0.5 porsyento ng kabuuang bilang sa bansa. Samantala, nanatiling pinakapopular na buwan ng pagpapakasal ang Pebrero, na naaayon sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso at mga simbolo ng pag-iibigan na iniuugnay rito.
Sa kabuuan, ipinahihiwatig ng mga natuklasang ito na bagama’t nananatiling mahalagang institusyon ang pag-aasawa para sa maraming Pilipino, hindi na ito awtomatikong itinuturing na bahagi ng landas na kailangang tahakin sa buhay, lalo na ng nakababatang henerasyon.
Sinasalamin ng pananaw ng Gen Z tungkol sa pag-aasawa ang mas malalim na pag-unawa sa sarili at mas maingat na pagharap sa mga relasyon. Higit nilang pinahahalagahan ang tiwala sa isa’t isa, sariling pagpapasya, at tamang panahon kaysa sa tradisyon o panggigipit ng lipunan.
Habang patuloy na nagkakaedad at nagiging ganap na bahagi ng lipunan ang Gen Z, malamang na mabago ng kanilang mga kagustuhan at paninindigan ang kinabukasan ng buhay-pamilya sa Pilipinas.
Para sa kanila, hindi nawawala ang pag-aasawa—sa halip, nagbabago lamang ang kahulugan at pananaw dito.

