top of page

Kapitan ng ferry na tumaob sa Java Sea, inaresto

Stanley Widianto Reuters Ananda Teresia / Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 2, 2026 at 4:59:17 PM

Larawan ng Virgo Transport 8

Mga rescue personnel na nakasuot ng protective suit ang nagdadala ng body bag ng isang biktima ng ferry na Virgo Transport 8, na tumaob habang naglalayag mula Surabaya sa East Java patungong Banjarmasin sa South Kalimantan, sa Java Sea, Indonesia, Setyembre 23, 2026.

Indonesia’s Search and Rescue Agency (BASARNAS) / Handout mula sa Reuters

JAKARTA — Inaresto ng pulisya sa Indonesia ang kapitan ng barkong tumaob noong nakaraang buwan sa Java Sea, isang insidenteng ikinasawi ng hindi bababa sa 78 katao at nagpasimula ng mahaba at mahirap na paghahanap sa mga pasaherong hanggang ngayon ay nagpapatuloy.


May sakay na 243 katao ang ferry na Virgo Transport 8 nang tumaob ito dahil sa masamang lagay ng panahon sa Java Sea noong Setyembre 13, habang naglalakbay mula Surabaya sa East Java patungong Banjarmasin sa South Kalimantan. Ayon sa mga awtoridad, 108 katao ang nakaligtas.


Paulit-ulit na sinisuyod ng mga diver ang paligid ng barko habang hinaharap ang malalakas na agos ng dagat at hindi matatag na kondisyon ng barko sa paghahanap sa mga nawawalang pasahero na maaaring nasa loob o sa bahagi ng sasakyang-dagat.


Sinabi ni senior national police official Kukuh Prabowo, ayon sa ulat ng state news agency Antara noong Miyerkules, na inaresto na ang kapitan ng barko at itinuring na suspek sa krimen.


Ayon kay Kukuh, pinaghihinalaang nilabag ng kapitan ang batas pandagat ng Indonesia matapos nitong sadyang bumiyahe gamit ang barkong hindi ligtas sa paglalayag. Ang naturang paglabag ay maaaring patawan ng hanggang 10 taong pagkakakulong kapag nagresulta ito sa pagkamatay ng mga tao at pagkasira ng ari-arian.


Hindi nagbigay si Kukuh ng mga detalye tungkol sa mga umano’y paglabag.

Umabot na sa 78 katao ang nasawi sa insidente, habang 57 katao pa ang nawawala, ayon sa Indonesia’s search and rescue agency nitong Miyerkules ng gabi.


bottom of page