Kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Luzon at Visayas, asahan
Sari Story
September 9, 2026 at 6:43:36 AM
MANILA – Malaking bahagi ng bansa ang makararanas ng mga pag-ulan dahil sa umiiral na southwest monsoon o habagat at sa trough ng Tropical Depression Krovanh (dating Bagyong Pilandok), ayon sa weather bureau nitong Miyerkules.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makararanas ng mga panaka-nakang pag-ulan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro dahil sa habagat.
Magdudulot naman ang trough ng Krovanh ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora.
Inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon, Aklan, at Antique dahil sa habagat.
Maaaring magdulot ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga lugar na ito.
Samantala, makararanas ang nalalabing bahagi ng bansa ng isolated rain showers dahil sa habagat at localized thunderstorms.
Mananatili namang mahina hanggang katamtaman ang hangin at bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng karagatan sa buong kapuluan.
Samantala, walang namo-monitor na low pressure area (LPA) ang PAGASA na posibleng maging tropical cyclone.

