Italy, ipagbabawal ang pagtakip sa mukha sa mga paaralan, kasabay ng paglimita sa mga dayuhang estudyante
Sari Story
September 21, 2026 at 7:04:12 AM
MILAN — Naghahanda na ang Italy para pormal na ipatupad ang pagbabawal sa pagtatakip ng mukha sa mga paaralan at limitahan ang bilang ng mga dayuhang estudyante sa bawat klase. Ito ay ayon kay Prime Minister Giorgia Meloni nitong Linggo, nang bigyang-diin niya ang kanyang right-wing credentials sa isang pagtitipon ng kabataan na inorganisa ng kanyang partido.
Kabilang ang Italy sa mga bansang Europeo na dinaragsa ng mga migrante dahil sa lokasyon nito sa central Mediterranean. Dahil dito, naging sensitibong usapin ang migrasyon at malaking hamon sa mga sunod-sunod na administrasyon.
Nananatiling kontrobersyal sa politika at lipunan ng Italy ang integrasyon ng mga migrante, partikular ang mga nanggaling sa mga bansang karamihan ng populasyon ay Muslim. Madalas na nagiging dahilan ng pagkakahati ng opinyon ng publiko ang mga debate tungkol sa religious symbols, cultural integration, citizenship rules at immigration policy.
“Isang panukala ang malapit nang iharap sa pulong ng Gabinete upang legal na itakda ang maximum na bilang ng mga dayuhang estudyante sa bawat klase. Inaatasan din nito ang mga magulang ng mga dayuhang estudyanteng nakararanas ng malubhang paghihirap sa pag-angkop sa school system na matuto ng Italian, kasabay ng pagbabawal sa mga burqa at niqab sa mga paaralan (A measure will soon be presented to a Cabinet meeting to legally establish a maximum number of foreign students per class. It also requires parents of foreign students facing serious difficulties integrating into the school system to learn Italian and bans burqas and niqabs in schools),” ayon kay Prime Minister Giorgia Meloni.
“Kung iisa lamang ang bata sa isang klase na hindi nakauunawa ng Italian, malamang na matututunan ng batang iyon ang wika at mabilis na makapag-aangkop sa tulong ng kanyang mga kaklase at guro. Ngunit kung marami na ang mga batang hindi nakauunawa ng wika—o sila pa nga ang bumubuo sa karamihan—hindi na iyon integrasyon; pagpapabaya na iyon (If there is only one child in a class who doesn't understand Italian, that child will likely be able to learn the language and integrate quickly with the help of classmates and teachers. However, if the number of children who don't understand the language becomes large - or even the majority - that is no longer integration; it is neglect),” dagdag pa niya.
Hindi tinukoy ni Meloni kung ano ang magiging maximum na bilang ng mga dayuhang estudyante sa bawat klase.
Ayon sa Fondazione ISMU, isang research institution, 11.6 porsiyento ng mga naka-enroll sa mga paaralan sa Italy ay hindi Italian citizens, na halos 12 sa bawat 100 estudyante.
“Dapat kang pumasok sa paaralan na nakalantad ang iyong mukha, at sa Italy, walang sinuman, sa ngalan ng isang tunay man o diumano’y tradisyon, ang maaaring magdesisyon na kailangang itago ng isang kabataang babae ang kanyang sarili (You must go to school with your face uncovered, and in Italy no one, in the name of a real or supposed tradition, can decide that a young woman must hide herself),” giit pa ni Meloni.

