top of page

Isang hiker, nawawala pa rin matapos ang pagbaha sa Grand Canyon

Sari Story

September 3, 2026 at 1:53:44 PM

Larawan ng rumaragasang baha

Rumaragasang baha sa Grand Canyon National Park, Arizona, USA noong Agosto 29, 2026

Kuha ni Wieke De Boer/Reuters

Tatlong araw matapos masawi ang dalawang tao dahil sa flash flood sa Grand Canyon National Park sa Arizona, muling nagsagawa ng operasyon ang mga search team nitong Martes sa binahang lugar para hanapin ang huling nawawalang hiker, habang patuloy ring sinusuri kung may iba pang biktimang hindi pa natutukoy ng mga awtoridad.


Kinilala noong Martes ng National Park Service ang dalawang lalaki na natagpuan matapos tangayin ng baha at mamatay sa canyon floor noong Sabado. Sila ay sina John Giusti, 46, at Brent Rosenkranz, 42, kapwa mula sa Granbury, Texas.


Habang ang ikatlong miyembro ng kanilang hiking group, na kinilala bilang si Timothy Allen Smith, 53, ay nawawala pa rin, ayon sa Park Service. Sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan noong Lunes, umaasa pa rin silang matagpuan si Smith na buhay.


Kasunod ng pagbaha, sinabi ng mga awtoridad na aabot sa 30 katao ang hindi pa nakikita bago ibinaba ang bilang sa 15. Noong Martes, si Smith na lamang ang tiyak na nakalistang nawawala.


Sinabi noong Lunes ni Justin Cully, chief park ranger ng Grand Canyon, na maaaring may hindi matukoy na iba pang hiker dahil wala silang permit para sa daytime trail use.


Noong Martes, sinabi ng Park Service na posibleng may iba pang mga biktima.


“Search and rescue operations are ongoing, with teams continuing efforts to locate the missing hiker and account for anyone else who may have been in the affected area at the time of the flood,” pahayag ng ahensya.


Aabot sa 82 survivors ang ligtas na nailikas noong weekend, karamihan ay isinakay sa helicopter, ayon kay Dave Black, incident commander ng Park Service.

Nagsimula ang pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan na nagdala ng putik, malalaking bato at iba pang debris sa Bright Angel Creek, na umaabot mula North Rim ng parke hanggang Colorado River. Tinangay nito ang mga trail, footbridge at iba pang imprastraktura.


Nagdulot din ang rumaragasang tubig ng malawakang pinsala sa pipeline system na nagsusuplay ng malinis na tubig sa parke, dahilan kung kayat nakasara pa rin ngayon ang lahat ng overnight lodging facilities nito.


Gayunman, nanatiling bukas sa mga daytime visitor ang South Rim at North Rim ng Grand Canyon.


bottom of page