top of page

Isang German at isang Slovak, nasawi sa hinihinalang pagkakakuryente sa swimming pool ng isang hotel sa India

Praveen Paramasivam / Mayank Bhardwaj; Isinalin ng Sari Story Network

November 2, 2026 at 4:13:38 AM

Larawan ng Conrad Bengaluru Hotel

Kuha gamit ang mobile phone nitong Nobyembre 1, 2026 sa Conrad Bengaluru Hotel sa Bengaluru, India, kung saan nasawi ang isang German flight crew member at isang Slovak business manager matapos ang isang insidente sa swimming pool ng hotel noong Oktubre 30, 2026.

REUTERS / Priyanshu Singh

NEW DELHI — Nasawi ang isang German flight crew member at isang Slovak business manager matapos ang isang aksidente sa swimming pool ng isang marangyang hotel sa Bengaluru, India.

Ayon sa mga ulat ng Indian media nitong Sabado, hinihinalang nakuryente ang dalawa dahil sa kuryenteng dumaloy sa tubig ng swimming pool.


Ayon sa Conrad Bengaluru Hotel, labis itong nalulungkot sa pagkamatay ng dalawa nitong bisita kasunod ng isang trahedya, ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye. Hindi pa matukoy ang sanhi ng insidente, pero tiniyak ng hotel ang buong suporta sa imbestigasyon.


Batay sa mga ulat ng Indian media, mula sa impormasyong nakalap sa mga pulis, hinihinalang pagkakuryente ang sanhi ng pagkamatay ng dalawa. Inaalam pa ng mga imbestigador kung paano nakapasok ang kuryente sa tubig ng swimming pool. Hindi naman agad nagpaunlak ng panayam ang mga pulis para sa kanilang komento.


Dinala ang mga biktima sa Manipal Hospital Old Airport Road. Ayon sa ospital, patay na ang isa nang dumating, habang ang isa naman ay inatake sa puso, at hindi na naisalba, matapos ang tinawag nilang “water-related incident” na naganap sa hotel.


Ginamot din ang isang kawani ng hotel na nagtangkang sagipin ang mga biktima, gayundin ang isang Amerikanong bisita na nagawang makalangoy patungo sa ligtas na lugar. Sa ulat ng ospital, nasa stable na kondisyon ang dalawa.


bottom of page