Isa, patay sa gitna ng wildfire sa Turkiye
Sari Story
September 10, 2026 at 3:08:52 AM
Patay ang isang indibidwal matapos atakihin sa puso habang nararanasan ang isang wildfire sa katimugang lalawigan ng Antalya sa Turkiye, ayon sa isang lokal na opisyal at mga brodkaster nitong Miyerkules. Patuloy na nagsisikap ang mga awtoridad na makontrol ang ilang sunog na sumiklab sa rehiyon ngayong linggo.
Sa isang post sa X, ibinahagi ng alkalde ng Aksu district na si Isa Yildirim ang dahilan ng pagkasawi ng biktima.
Ayon sa forest authority ng Turkey, malaking bahagi ng mga wildfire sa Kumluca district sa Antalya at Bozyazi district sa Mersin ang nakontrol na, bagama’t nagpapatuloy pa rin ang operasyon upang tuluyang maapula ang mga ito.
Patuloy rin ang pakikipaglaban ng mga bumbero sa magkahiwalay na wildfire sa Aksu district sa Antalya at Kozan district sa Adana, gamit ang mga helicopter at iba pang sasakyang panghimpapawid sa pagbomba ng tubig, gayundin ang mga ground firefighting equipment, ayon sa ahensya.
Makikita sa isang video footage ang apoy na kumakalat sa mga kagubatan at makapal na usok na umaakyat sa himpapawid habang nagtutulungan ang mga helicopter, aircraft at fire truck upang makontrol ang mga sunog.
Nakilahok din ang mga residente sa firefighting efforts. Gumamit ang mga magsasaka ng mga traktora at water tanker upang tumulong sa paghahatid ng tubig sa mga lugar na naapektuhan ng sunog, base sa ulat ng brodkaster na NTV.

