Isa patay, mahigit 30 nawawala matapos lumubog ang ferry sa Vanuatu
Sari Story
September 14, 2026 at 7:08:42 AM
SYDNEY – Hindi bababa sa isang tao ang kumpirmadong patay at mahigit 30 iba pa ang nawawala matapos lumubog ang isang ferry sa karagatan sa Vanuatu, ayon sa tanggapan ni Prime Minister Jotham Napat nitong Linggo.
Patuloy ang search and rescue operations sa naturang bansa sa Pacific Island matapos lumubog ang MV Matui na may sakay na dose-dosenang tripulante at pasahero, ayon sa pahayag na inilabas sa Facebook ng tanggapan ng punong ministro.
Labinlima naman sa mga sakay ng ferry ang buhay, dagdag sa pahayag.
Isinasagawa ang search operations mula nang lumubog ang inter-island ferry sa gitna ng masamang panahon nitong Biyernes habang bumibiyahe sa pagitan ng mga isla ng Ambae at Santo, ayon sa New Zealand public broadcaster na RNZ.
Sinabi ng tanggapan ni Napat na unti-unti nang ititigil ang paghahanap sa karagatan habang ililipat ang operasyon sa timog-silangang baybayin, kung saan maaaring inanod ang mga nakaligtas.
“Lumilitaw na resulta ito ng malalakas na hangin at hindi pagsunod sa mga babala tungkol sa lagay ng karagatan, gayundin ng posibleng kapabayaan, kabilang ang pagsakay ng mas maraming pasahero kaysa sa kapasidad ng sasakyang-dagat (This loss appears to be the result of strong winds and marine warnings not being heeded, and possibly of negligence including overloading of the vessel),” ayon sa pahayag.
“Sa mga nakaligtas, ipinagdarasal namin ang inyong lakas at paggaling. Sa mga pamilya ng mga nawawala at mga nasawi, nais naming malaman ninyo na kasama ninyo ang buong bansa sa panahong ito ng pagdadalamhati (To the survivors, we pray for your strength and recovery. To the families of those missing and those we have lost, please know that the nation stands with you in this time of grief),” ayon sa pahayag.
Hindi agad tumugon sa mga kahilingan para sa komento ang Vanuatu police, Vanuatu Maritime Safety Authority at Tui Shipping Agency, operator ng ferry.

