top of page

Isa nasawi, apat sugatan sa pamamaril mula sa kotse malapit sa Paris; suspek arestado

Juliette Jabkhiro, Dominique Vidalon, Zhifan Liu; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 24, 2026 at 8:01:40 AM

Larawan ng mga pulis at rescue personnel ng France

Nagsasagawa ng operasyon ang mga pulis at rescue personnel ng France sa pinangyarihan ng pamamaril mula sa isang umaandar na sasakyan na ikinamatay ng isang tao at ikinasugat ng ilan pa sa Trappes, departamento ng Yvelines, malapit sa Paris, France, Oktubre 23, 2026. REUTERS/Stephanie Lecocq

Stephanie Lecocq/Reuters

PARIS — Isang lalaki ang nagpaputok ng baril mula sa isang kotse sa kanluran ng Paris noong Biyernes, na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng apat na iba pa, kabilang ang isang 12-anyos na babae, ayon sa mga awtoridad ng France.


“Nais naming pasalamatan ang ating mga alagad ng batas na naaresto na ang suspek. Ang Tanggapan ng Pambansang Piskal na Laban sa Terorismo na ang hahawak sa kaso (We would like to thank our law enforcement agencies, which have already taken the suspect into custody. The National Anti-Terrorism Prosecutor's Office has taken over the case),” ayon kay Pangulong Emmanuel Macron sa isang post sa X, habang ipinahayag ang matinding kalungkutan sa pagkamatay ng biktima.


Naganap ang pamamaril sa gitna ng matinding tensiyon sa France matapos mauwi sa karahasan ang mga protesta sa buong bansa noong Sabado at bago ang posibleng panibagong kaguluhan ngayong darating na weekend. Sinisi ng ilang nasa dulong kanan ng politika ang imigrasyon sa karahasang naganap noong nakaraang weekend.


Sinabi ng tanggapan ng piskal na laban sa terorismo na kabilang sa mga sinusuri sa imbestigasyon kung ang pamamaril ay isang gawaing terorismo o kung may motibong rasista o panrelihiyon sa likod nito.


Sinabi ni Ali Rabeh, alkalde ng bayan ng Trappes sa kanluran ng Paris, sa BFMTV na may isang lalaki na nagpaputok mula sa kanyang kotse at “tila nagpapaputok nang walang pinipiling puntirya at mukhang determinadong magsagawa ng masaker (appeared to be firing at random and seemed intent on carrying out a massacre).”


Ayon kay Rabeh, nagmamaneho ang suspek sa isang kalsada mula Trappes patungo sa kalapit na La Verriere at nakatira ito sa isang karatig na bayan. Iniulat naman ng brodkaster na BFM na walong beses tinamaan ng bala ang 12-anyos na babaeng nasugatan.


Inilarawan ni Nicolas Dainville, alkalde ng La Verriere, ang suspek bilang “isang indibidwal na naninirahan sa Plaisir at may pisikal na anyong Europeo (an individual residing in Plaisir and of a European type).” Sinabi ni Rabeh na dalawa sa mga biktima ay nagmula sa Africa at Hilagang Africa, ayon sa pagkakasunod-sunod, ngunit hindi na siya nagbigay ng detalye tungkol sa pinagmulan ng iba pang mga biktima.


bottom of page