India, nagdakip ng libo-libo at nagpatupad ng lockdown sa New Delhi para pigilan ang protesta laban sa election chief
Sandra Samala-Salem
October 11, 2026 at 8:54:13 AM
Nagpupumiglas ang mga nagprotesta habang dinadakip ng mga puwersang panseguridad sa kilos-protesta ng Cockroach Janta Party (CJP) malapit sa lugar ng pagtitipon sa New Delhi, India, noong Oktubre 11, 2026. Nananawagan ang grupo na magbitiw si Chief Election Commissioner Gyanesh Kumar.
Adnan Abidi/Reuters
NEW DELHI - Dinakip ng mga pulis ang mahigit 2,000 nagpoprotesta at ang nagtatag ng kilusang kabataan na “Cockroach” sa Delhi nitong Sabado, habang isinara ng mga puwersang panseguridad ang ilang bahagi ng kabisera ng India upang pigilan ang isang rali na nananawagang magbitiw ang pinuno ng komisyon sa halalan ng bansa.
Libo-libong pulis at puwersang paramilitar ang ipinakalat sa buong lungsod. Sinuspinde rin ang mga serbisyo ng mobile internet sa sentrong pangnegosyo, habang isinara ang dose-dosenang istasyon ng metro at pamilihan upang mapigilan ang demonstrasyong inorganisa ng kilusang Cockroach.
Nakatutok ang protesta kay Chief Election Commissioner Gyanesh Kumar dahil sa pagbabago sa mga listahan ng botante. Ayon sa mga kritiko, hindi patas ang pakinabang na nakukuha ng naghaharing Bharatiya Janata Party (BJP) ni Punong Ministro Narendra Modi mula sa mga pagbabagong ito.
Plano ng kilusan na magtipon ng libo-libong tao sa Jantar Mantar sa gitnang bahagi ng Delhi, ngunit isinara ng mga puwersang panseguridad ang lugar bago pa magsimula ang demonstrasyon.
Sinabi ng isang opisyal ng Ministry of Home Affairs, na tumangging magpakilala, sa Reuters na mahigit 2,000 katao ang dinakip sa Delhi. Iniulat naman ng mga lokal na media na humigit-kumulang 400 nagpoprotesta ang hinuli sa Mumbai, sentrong pinansiyal ng India.
Wala pang agarang pahayag ang mga pulis tungkol sa mga pagdakip.
Nagpahayag ng pagkabahala ang tanggapan ng United Nations (UN) na nangangasiwa sa karapatang pantao sa malawakang pagdakip bago at habang nagaganap ang mga protesta.
“Nananawagan kami sa mga awtoridad na tiyaking lubos na iginagalang at naipatutupad ang karapatan sa mapayapang pagtitipon (We call on the authorities to ensure that the right to peaceful assembly is fully respected and fulfilled),” pahayag ni Thameen Al-Kheetan, tagapagsalita ng UN Human Rights Office.
Hinimok din niya ang mga awtoridad na “makipag-usap nang makabuluhan (meaningful dialogue)” upang matugunan ang mga alalahaning “malawakang ibinabahagi (broadly held)” ng publiko.
Gayunman, tinawag ng misyon ng India sa UN sa Geneva na “walang batayan (misplaced)” ang mga pangamba ng UN at sinabing ang mga ito ay “hindi nararapat na panghihimasok sa mga panloob na usapin ng India (an unwarranted interference in the internal affairs of India).”
Binigyang-diin ng misyon na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng India ang karapatan sa mapayapang pagtitipon. “Gaya sa bawat demokrasya, ginagamit ng mga mamamayan ng India ang karapatang ito alinsunod sa mga makatwirang paghihigpit para sa kapakanan ng kaayusang pampubliko (As in every democracy, Indian citizens exercise this right subject to reasonable restrictions in the interest of public order),” dagdag sa pahayag.
DINAKIP ANG MGA PINUNO NG KILUSAN
Sinabi ng grupo sa isang pahayag na dinakip ng mga pulis sina Abhijeet Dipke, nagtatag ng Cockroach Janta Party (CJP), at ang mga matataas na pinuno nitong sina Saurav Das at Ashutosh Ranka nang lumapag sa Delhi ang kanilang sinasakyang eroplano mula Mumbai.
Ipinakita sa mga kuha ng telebisyon si Dipke na kumukuwestiyon sa mga pulis na lumapit sa kaniya habang nasa loob siya ng eroplano.
“Pumunta ako rito para madakip. Dakpin ninyo ako... Hindi ako natatakot sa inyo (I have come to be arrested, arrest me ... I am not afraid of you guys),” sabi niya.
“Hindi, hindi ito pag-aresto (No, this is not an arrest),” sagot ng isang pulis. “Makipagtulungan kayo, pakiusap (Please cooperate).”
Kinondena ng kilusan ang tinawag nitong “awtoritaryong pagdakip (authoritarian detention)” sa mga pinuno nito, hiniling ang kanilang paglaya at nangakong magpapatuloy ang mga protesta.
“Ipagpapatuloy namin ang protesta bukas, sa makalawa... hanggang sa magbitiw si Gyanesh Kumar. Mananatili kami sa mga lansangan (We will continue our protest tomorrow, day after ... until Gyanesh Kumar resigns. We will be on the streets),” sinabi ni Ajinkya Shinde, pinuno ng CJP, sa mga mamamahayag.
Sinabi rin ng CJP na tumanggi ang mga awtoridad na magbigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan o kalagayan ng mga pinuno nito, kahit pa dumating ang balita tungkol sa pagkamatay ng lola ni Dipke. Ayon sa mga pulis, ipinaalam nila kay Dipke ang pagkamatay ng kaniyang lola at inalok siyang tulungang makauwi para sa libing.
Ipinakita rin sa mga ulat ng mga himpilan ng telebisyon na dinakip ang ilang mambabatas ng oposisyon at mga dating punong ministro ng kani-kanilang estado: si Mamata Banerjee ng West Bengal, Arvind Kejriwal ng Delhi at Pinarayi Vijayan ng Kerala.
Sinabi ng mga kinatawan ng dalawang digital news outlet na sandaling dinakip ng mga pulis ang apat nilang mamamahayag habang nag-uulat sa mga demonstrasyon. Sandali ring dinakip ang isang mamamahayag ng Reuters bago pinalaya.
Sa kabiserang may humigit-kumulang 20 milyong residente, naglagay ang mga puwersang panseguridad ng mga checkpoint sa mga pangunahing kalsada at pasukan. Sumakay rin sila sa mga bus upang maghanap ng mga nagpoprotesta at nagsuri ng mga sasakyan.
Nagdulot ng pagsiikip ng trapiko ang mga barikada at konkretong harang, habang binantayan ng mga sasakyang pangkontrol sa kaguluhan na may mga aparatong nagpapaputok ng tear gas ang mahahalagang ruta.
BAGONG HAMON KAY MODI
Isa ang mga demonstrasyon sa pinakamabibigat na pagsubok na kinaharap ni Modi sa ngayon. Nagsimula ang mga ito dahil sa mga alegasyong hindi wastong binago ng mga awtoridad sa halalan ang mga listahan ng botante bago ang mga nakaraang halalan sa mga estado.
Lalong tumindi ang mga protesta matapos iulat ng Indian Express noong nakaraang linggo na kinuwestiyon ng dalawang komisyoner ng eleksyon ang mga pagbabagong ginawa ni Kumar sa mga listahan ng botante, na nag-alis ng humigit-kumulang 130 milyong pangalan.
Wala pang pahayag si Kumar tungkol dito, ngunit itinanggi ng Election Commission at ng BJP ang mga alegasyon ng maling gawain.
Ayon sa BJP, patunay ng popularidad ni Modi at paglago ng ekonomiya ng India ang tagumpay nito sa halalan. Inakusahan din ng partido ang mga grupong oposisyon ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Halos araw-araw na ang mga protesta, ilang buwan lamang matapos mapilitang magbitiw ang kalihim ng edukasyon ni Modi dahil sa mga demonstrasyong bunsod ng pagtagas ng mga kopya ng pagsusulit.
Nagaganap din ang kaguluhan bago ang sunod-sunod na mahahalagang halalan sa mga estado na magsisimula sa unang bahagi ng 2027.
Sinabi ni Rahul Gandhi, pinuno ng pangunahing partidong oposisyon na Congress, na hindi uurong ang mga kalaban ni Modi.
Sinabi naman ni Ravi Shankar Prasad, isang mataas na opisyal ng BJP, na hindi tutol ang partido sa mga demonstrasyon. Gayunman, aniya, ginawa umanong “sandata (weaponised)” ng mga karibal sa politika ang mga protesta sa lansangan matapos matalo sa halalan.
OPOSISYON, IGINIIT NA NAKAAPEKTO SA HALALAN ANG PAGTANGGAL NG MGA PANGALAN
Ayon sa mga partidong oposisyon, nakaapekto sa resulta ng mga nakaraang halalan sa mga estado na napanalunan ng BJP ang pagtanggal ng mga pangalan sa listahan ng botante. Dahil dito, nagkaroon din ng pagdududa sa integridad ng pagboto sa pinakamalaking demokrasya sa mundo.
Ipinakikita ng datos ng Election Commission na humigit-kumulang 130 milyong tala ng mga botante ang inalis sa proseso ng beripikasyon. Kabilang dito ang 63 milyong taong lumipat ng tirahan, 30 milyong hindi matagpuan at 28 milyong namatay na.
Ayon sa komisyon, ang mga tinanggal na tala ay natukoy sa proseso ng paunang pagbabago sa mga listahan. Maaari umanong muling magparehistro ang sinumang kuwalipikadong botante na maling natanggal sa listahan.

