top of page

Ilang dosenang pilot whale, na-stranded sa dalampasigan ng New Zealand

Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

November 6, 2026 at 2:36:38 AM

Larawan ng mga taong nakatingin sa pilot whales

Tinitingnan ng mga tao ang mga pilot whale na na-stranded sa baybayin ng Ngawi, malapit sa Cape Palliser, New Zealand, Nobyembre 5, 2026.

Reuters / Department of Conservation ng New Zealand

Ilang dosenang pilot whale ang natagpuang na-stranded sa isang dalampasigan sa North Island ng New Zealand, habang sinisikap ng mga rescuer na maibalik sa dagat ang ilan sa mga nakaligtas, ayon sa Department of Conservation ng bansa nitong Huwebes.


Ayon sa Department of Conservation, hindi bababa sa 20 pilot whale ang na-stranded sa baybayin ng Ngawi, malapit sa Cape Palliser, ang pinakatimog na bahagi ng North Island.


Sinabi ng ahensya na nakikipagtulungan ito sa lokal na iwi o tribong Maori, gayundin sa Project Jonah, isang grupong dalubhasa sa pagsagip sa mga na-stranded na balyena. Dalawa sa mga balyena ang matagumpay nang naibalik sa dagat.


Ayon sa mga residente, aabot sa 50 balyena ang na-stranded sa baybayin magdamag, iniulat ng Radio New Zealand.


Karamihan sa mga ito ay namatay dahil sa mga tinamong pinsala, habang sinisikap naman ng mga boluntaryo na panatilihing buhay at hydrated ang mga nakaligtas sa pamamagitan ng paggamit ng mga timba ng tubig at tuwalya.


“Napakasakit makita. Ang mga buhay pa ay halos huling hininga na (It's horrible. The ones that are alive are on their last breaths),” sinabi ni Rob Bargh, isang residente ng Ngawi, sa Radio New Zealand.


Sa isang post sa Facebook nitong Huwebes, sinabi ng Project Jonah na apat na balyena ang buhay pa at susubukan ng mga rescuer na maibalik ang mga ito sa dagat sa oras ng high tide o pagtaas ng tubig.


Karaniwan ang pagkaka-stranded ng mga balyena sa New Zealand at kalapit nitong Australia dahil sa malaking populasyon ng mga pilot whale na naninirahan sa malalalim na karagatan sa paligid ng dalawang bansang pulo. Hindi pa matukoy ang dahilan kung bakit napapadpad sa dalampasigan ang mga balyena.


-Pag-uulat ni Christine Chen sa Sydney; Pag-eedit ni Neil Fullick / Reuters

bottom of page