Ilang beach sa Western Australia, sarado pa rin matapos ang nakamamatay na pag-atake ng pating
Sari Story
September 20, 2026 at 4:08:07 AM
SYDNEY — Mananatiling sarado hanggang sa Linggo o maaaring higit pa ang ilang beach sa baybayin ng Western Australia, kabilang ang mga beach sa kabisera nitong Perth, matapos ang nakamamatay na pag-atake ng pating sa isang sikat na beach sa lungsod noong Biyernes.
Nasawi ang isang lalaking manlalangoy matapos siyang malubhang lapain ng pating sa Sorrento Beach, na nasa humigit-kumulang 20 kilometro (12 milya) mula sa central business district ng Perth. Dahil dito, isinara ang mga beach sa kahabaan ng 17 kilometro (11 milya) ng baybayin.
Mananatiling sarado hanggang tanghali ng Linggo, sa pinakamaaga, ang mga beach sa lugar ng Joondalup sa Perth, ayon sa pamahalaan ng estado nitong Sabado.
Tiniyak ng mga awtoridad na magpapatuloy ang pagbabantay nila sa lugar.
“Magpapatuloy ang mga opisyal mula sa Department of Primary Industries and Regional Development sa pagsasagawa ng land-based patrols (Officers from Department of Primary Industries and Regional Development will continue to conduct land-based patrols),” sabi sa isa nilang alerto.
Ang insidente noong Biyernes ay pinakabago sa serye ng mga pag-atake ng pating sa Australia. Nangyari ito ilang araw matapos kagatin ng pating ang isang surfer sa naturang estado noong Lunes.
Sa naturang pag-atake sa bayan ng Geraldton, na nasa humigit-kumulang 400 kilometro (250 milya) sa hilaga ng Perth, naputol ang paa ng surfer at nagtamo siya ng malubhang pinsala sa binti, ayon sa mga lokal na ulat.
Noong Hunyo, isang 35-anyos na lalaki rin ang nasawi habang nangingisda gamit ang sibat sa karagatan sa timog na bahagi ng estado. Samantala, noong Mayo, isang 38-anyos na lalaki ang namatay matapos lapain ng pating sa karagatan malapit sa isang isla sa Perth.

