Iceland, pag-aaralan ang pagbabawal sa panghuhuli ng balyena
Sari Story
September 13, 2026 at 1:54:09 PM
COPENHAGEN — Maghahain ang pamahalaan ng Iceland ng panukalang batas sa Pebrero hinggil sa posibleng pagbabawal ng panghuhuli ng balyena. Kapag naisabatas, ang Norway at Japan na lamang ang dalawang bansang matitira na nagsasagawa ng komersyal na panghuhuli ng balyena sa buong mundo.
Ilang taon nang kinukondena ng mga animal welfare campaigner at mga sikat na personalidad sa Hollywood ang panghuhuli ng balyena sa Iceland.
Ayon sa pamahalaan ng Iceland, na mayorya sa parliyamento, pinag-aaralan nito ang mga posibleng hakbang upang amyendahan ang batas sa whaling. Partikular na binibigyang-pansin ang opsyon na tuluyang ipagbawal ang komersyal na panghuhuli ng balyena, ayon sa pahayag na inilathala sa website nito nitong Miyerkules ng gabi.
Sa hunting season ngayong taon, na nagsimula noong Hunyo at magtatapos sa bandang katapusan ng Setyembre, 80 fin whale na ang nahuli hanggang Setyembre 9, ayon sa Humane World for Animals, isang grupong nagtataguyod ng kapakanan ng mga hayop at sumusubaybay sa bilang ng mga nahuhuling balyena. Pinahihintulutan ng quota ang pagpatay sa 150 fin whale ngayong taon.
“May malaking suporta mula sa mga pulitiko at publiko para sa panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang komersyal na panghuhuli ng balyena. Mayroon ding matitibay na dahilang etikal, beterinaryo, legal, at pangangalaga sa kalikasan para ito’y maipasa (There is considerable political and public support for this bill to ban commercial whaling, and compelling ethical, veterinary, legal and conservation reasons to hope it succeeds),” ayon kay Wendy Higgins, tagapagsalita ng Humane World for Animals.
Ang fin whale, na pangunahing target ng industriya ng panghuhuli ng balyena sa Iceland, ay itinuturing na vulnerable o nasa kategoryang nanganganib, ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN).
Noong 2024, naglabas ang interim government ng Iceland ng limang taong lisensya para sa natatanging natitirang kompanya na nanghuhuli ng balyena sa bansa.
Ayon sa talaan ng mga nahuling balyena ng International Whaling Commission, ang Iceland, Norway, at Japan lamang ang nagsagawa ng komersyal na panghuhuli ng balyena nitong mga nakaraang taon.
Muling ipinagpatuloy ng Norway ang komersyal na whaling noong 1993, habang nagbalik naman ang Iceland sa naturang gawain noong 2006, sa kabila ng pandaigdigang moratorium na ipinatupad noong 1986 upang maprotektahan ang populasyon ng mga balyena.
Umalis ang Japan sa International Whaling Commission noong 2019 at muling ipinagpatuloy ang komersyal na panghuhuli ng balyena sa karagatan na sakop ng teritoryo nito at sa exclusive economic zone nito.
Pinahihintulutan ng moratorium ang mga katutubong mamamayan sa ilang bahagi ng mundo, gaya ng Greenland at Alaska, na manghuli ng balyena dahil mahalagang bahagi ng kanilang nutrisyon at kultura ang mga produktong mula sa balyena.

