top of page

Hukom sa US, ipinag-utos sa administrasyong Trump na itigil ang mga banta ng pag-uusig kaugnay ng halalan

Kanishka Singh; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

October 31, 2026 at 9:32:33 AM

Larawan ni Bill Essayli

Nagsalita sa media si Bill Essayli, First Assistant US Attorney para sa Central District of California, matapos ang pagdinig sa korte ni US District Judge David Carter hinggil sa demanda ng Justice Department na naglalayong pigilan ang California sa pagbibilang ng mga balota sa pamamagitan ng koreo para sa midterm elections sa Nobyembre 3 mula sa mahigit 20,000 rehistradong botante na pinaghihinalaang hindi mga mamamayan ng US, sa Los Angeles, California, US, Oktubre 27, 2026.

REUTERS/Daniel Cole

WASHINGTON — Iniutos ng isang hukom sa US nitong Biyernes sa Justice Department na itigil ang pagbabanta na uusigin ang mga opisyal ng halalan sa mga estado at lokalidad na hindi sumusunod sa mga kahilingan ng administrasyong Trump kaugnay ng pagboto ng mga hinihinalang hindi mamamayan ng US.


Inilabas ang desisyon ilang araw bago ang midterm elections sa US sa susunod na linggo na magtatakda kung aling partido ang magkakaroon ng kontrol sa Kongreso. Kasalukuyang hawak ng mga Republican ang manipis na mayorya sa House of Representatives at Senado. Bagama't dikit ang labanan sa ilang mahahalagang distrito at puwesto, pabor sa mga Democrat ang mga survey upang makuha ang kontrol sa House of Representatives at magkaroon din ng makatotohanang pagkakataong makuha ang mayorya sa Senado.


Sa mga buwan bago ang midterm elections, naging agresibo ang administrasyon ni Pangulong Donald Trump sa pangangasiwa sa halalan. Kabilang dito ang paggiit sa mga estado na ibigay ang datos ng rehistrasyon ng mga botante, sa pagsasabing kailangan ang mas mahihigpit na hakbang upang matiyak ang seguridad ng halalan at tiwala ng publiko sa proseso ng pagboto.


Gayunman, lumampas sa hangganan ang Justice Department nitong buwan nang pagbantaan nitong uusigin ang mga opisyal ng estado at county na hindi makikipagtulungan sa mga inisyatiba ng administrasyong Trump kaugnay ng halalan, ayon kay US District Judge Trina Thompson sa desisyong inilabas kaugnay ng kasong isinampa ng mga unyon ng mga manggagawa sa halalan at ilang iba pang grupo.


"Dahil napakahalaga sa publiko na matiyak na magampanan ng mga opisyal at manggagawa sa halalan ang kanilang mga tungkulin alinsunod sa pederal na batas at mga pamamaraan sa halalan, at ilang araw na lamang bago ang mismong araw ng halalan, mas mabigat ang mga konsiderasyon sa katarungan at interes ng publiko pabor sa mga nagsampa ng kaso (Because the public has a paramount interest in ensuring that election officials and workers are able to carry out their work in accordance with federal law and election procedure, and the official day of the Elections is only a couple of days away, the balance of the equities and public interest weigh in Plaintiffs' favor)," isinulat ni Thompson sa kanyang pansamantalang kautusang nagbabawal sa naturang mga hakbang.


Wala pang pahayag ang Justice Department tungkol sa desisyon.


Itinuturing ng mga kritiko, kabilang ang mga eksperto sa politika at mga opisyal ng halalan mula sa Democratic Party at ilang Republican, na labis na panghihimasok ng pederal na pamahalaan ang mga hakbang ng administrasyong Trump. Sinabi rin ng ilang opisyal ng halalan sa Reuters na naghahanda sila sa posibleng pakikialam ng pederal na pamahalaan sa midterm elections.


Iniutos ni Thompson, na itinalaga ni dating Pangulong Joe Biden, sa administrasyong Trump na huwag pilitin ang mga lokal na opisyal ng halalan na alisin ang mga botante sa mga listahan ng rehistradong botante sa buong estado, tanggihan ang mga balota ng mga partikular na botante, o ihiwalay ang mga balotang iboboto sa midterm elections batay sa listahan ng administrasyong Trump ng mga hinihinalang hindi mamamayang botante.


Dati nang naglabas si Trump ng mga maling pahayag tungkol sa halalan, kabilang ang pagtangging kilalanin ang kanyang pagkatalo sa halalan noong 2020.


bottom of page