top of page

Houthi attack sa paliparan ng Saudi Arabia, ikinamatay ng 12; pinakamalalang pag-atake sa kaharian sa loob ng isang dekada

Sandra Samala-Salem

October 11, 2026 at 8:54:13 AM

Larawan sa labas ng King Khalid International Airport

Isang ambulansiya ang nakaparada sa labas ng King Khalid International Airport matapos masugatan ang ilang tao sa pag-atake sa paliparan na nagresulta sa pansamantalang pagsuspinde ng operasyon nito, ayon sa awtoridad sa civil aviation ng Saudi Arabia. Kuha ang larawang ito sa Riyadh, Saudi Arabia, noong Oktubre 10, 2026, mula sa video sa social media.

Social Media/via REUTERS

RIYADH — Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at mahigit 300 ang nasugatan sa pag-atake sa international airport ng Riyadh nitong Sabado. Ito ang pinakamadugong pag-atake sa Saudi Arabia sa loob ng mahigit isang dekada, habang pinalalawak ng mga Houthi na suportado ng Iran ang kampanyang inilunsad nila nitong tag-init.


Kabilang sa mga nasawi sa ikatlong pag-atake sa paliparan ngayong linggo ang apat na Saudi, dalawang Bangladeshi, at tig-iisang mamamayan ng United States, Jordan, Palestine, Syria, Sudan at Egypt, ayon sa awtoridad sa civil aviation ng Saudi Arabia. Sa pinakahuling tala, 309 katao ang nasugatan, ayon sa mga opisyal.


Sinabi ni US President Donald Trump na pinag-iisipan ng Washington na makiisa sa mga pag-atake ng Saudi Arabia laban sa mga Houthi sa nagpapatuloy na labanan. Lumawak ang sigalot na ito mula sa digmaan laban sa Iran na inilunsad ng United States at Israel noong Pebrero.


Dagsa ang mga nasugatan sa mga ospital matapos isugod ang mga ito sakay ng mga ambulansiya at helicopter. Ilan sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon kasunod ng pag-atake na naganap nang walang babala.


LUMALALA ANG SIGALOT MATAPOS MASIRA ANG CEASEFIRE SA DIGMAAN SA YEMEN


Apat na katao ang nasawi sa dalawa pang naunang pag-atake sa King Khalid International Airport ngayong linggo. Nagdulot din ang mga ito ng matinding pinsala sa isang komersiyal na eroplano ng Saudi Arabia na nakaparada sa paliparan.


Inilantad ng mga pag-atake ang mga kahinaan sa kakayahan ng Saudi Arabia na ipagtanggol ang sarili habang nagpapatuloy ito sa mga airstrike laban sa mga Houthi. Layunin ng kampanya na suportahan ang opensiba ng pamahalaan ng Yemen sa lupa laban sa grupong sinusuportahan ng Iran.


Hindi inaangkin ng mga Houthi ang responsibilidad sa pag-atake, ngunit nangako ng pagganti ang koalisyong militar na pinamumunuan ng Saudi Arabia.


Nang tanungin kung makikiisa ang United States sa mga pag-atake ng Saudi Arabia laban sa mga Houthi, sinabi ni Trump sa mga mamamahayag: “Posible. Pag-aaralan namin ito. Ngayon lang namin nalaman ang tungkol sa pinakahuling pag-atake, kaya magpapasya kami. Mabilis kaming kumilos (We may. We're going to look at it. We just found out about the recent attack, so we'll make a decision. We move very quickly).


Kinondena ni US Secretary of State Marco Rubio ang mga pag-atake sa paliparan, at sinabing “ipinapakita ng mga ito ang tahasang pagwawalang-bahala sa buhay ng mga inosenteng sibilyan  (demonstrate a blatant disregard for innocent civilian life).”


Kinondena rin ni United Nations Secretary-General Antonio Guterres ang pag-atake nitong Sabado. Muli niyang iginiit na ang mga pag-atake sa mga sibilyan at imprastrukturang sibilyan ay paglabag sa pandaigdigang batas at dapat na agad na itigil.


Inaangkin ng Saudi Arabia at ng pamahalaan ng Yemen na nagsagawa sila ng daan-daang pag-atake sa mga target sa mga teritoryong kontrolado ng mga Houthi. Ayon naman sa mga Houthi, may mga sibilyan, kabilang ang mga babae at bata, na nasawi sa mga pag-atakeng ito. Hindi nakapagkumpirma nang hiwalay ang Reuters sa mga pahayag na ito.


Pumasok ang Saudi Arabia sa digmaan sa Yemen noong 2015 sa pangunguna ng isang koalisyong Arabo, sa layuning mapaalis ang mga Houthi sa kabisera ng Yemen na Sanaa. Nauwi ang digmaan sa madugong pagkakabalaho ng magkabilang panig, kung saan daan-daang libong Yemeni ang namatay dahil sa labanan at taggutom.


Nasira nitong tag-init ang tigil-bakbakan na napagkasunduan ng Saudi Arabia at mga Houthi noong 2022. Nauwi ito sa mabilis na pagsulong ng mga Houthi na nagbigay sa kanila ng kontrol sa Bab el-Mandeb, isang makitid na lagusan sa Red Sea na mahalaga sa pandaigdigang kalakalan. Naagaw nila ito mula sa mga puwersa ng pamahalaan ng Yemen na sinusuportahan ng Saudi Arabia.


PAGSABOG, MGA TAO SA FIELD, AT MGA NAGMAMADALING AMBULANSIYA


Naglunsad ng opensiba nitong linggo ang pamahalaan ng Yemen na suportado ng Saudi Arabia upang mabawi ang nasabing teritoryo. Gayunman, mabagal lamang ang kanilang pagsulong habang kinukubkob naman ng mga Houthi ang Taiz, ang ikatlong pinakamalaking lungsod ng bansa.


Noong Sabado, inilihis sa ibang destinasyon ang lahat ng flight mula sa Riyadh at sinuspinde ang operasyon ng paliparan na nagsisilbi sa lungsod na may walong milyong residente, ayon sa awtoridad sa civil aviation ng Saudi Arabia.


Sa isang post sa X, sinabi ng pinuno ng tanggapan ng media ng mga Houthi na “isinara nila ang international airport ng Riyadh” (*shut down Riyadh international airport*).


Nauna nang sinabi ng mga Houthi na dapat iwasan ng mga pampasaherong eroplano ang airspace ng Saudi Arabia, na idineklara nilang sona ng operasyong militar.


Nagbabala rin ang mga Houthi sa mga international airline laban sa pagsasagawa ng mga flight sa airspace ng Saudi Arabia, dahil anila, naging lugar na ito ng kanilang mga operasyong militar. Hindi kabilang sa babala ang airspace sa ibabaw ng mga banal na lungsod ng Mecca at Medina.


Ayon sa isang nakasaksi sa paliparan, nakakita siya ng pagsabog at pagkatapos ay ilang taong sugatan na nakahandusay sa sahig sa loob ng pasilidad. Mahigit isang dosenang ambulansiya ang nakitang nagmamadaling magtungo sa paliparan. Sa isang video na kinumpirma ng Reuters, makikita ang mga ambulansiya sa lugar.


Sinabi ng isang nasugatang biyahero sa Reuters na may nakita siyang bagay na lumilipad sa kalangitan sa labas ng paliparan bago gumuho ang bahagi ng kisame malapit sa isang departure gate.


Mariing pinayuhan ng embahada ng United States sa Riyadh ang lahat ng mamamayang Amerikano na iwasan ang paliparan at ang mga kalapit na lugar (*strongly recommends all US citizens avoid this airport and surrounding areas*).


Dahil sa mga naunang pag-atake ng mga Houthi, ilang airline na ang nagsuspinde o nagkansela ng kanilang mga flight patungong kabisera ng Saudi Arabia. Nangyari ito ilang sandali bago ang nakatakdang pagdaraos sa Riyadh ng mahahalagang kumperensiya tungkol sa enerhiya at pamumuhunan.


Bago ang mga pag-atake nitong Sabado, sinabi ng mga organizer ng mga kumperensiya na magpapatuloy ang mga ito ayon sa nakatakdang iskedyul.


bottom of page