top of page

Trump, hiniling sa UFC chief na si Dana White na maging susunod na White House Press Secretary

Reuters; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 8, 2026 at 5:15:33 AM

Larawan ni Presidente Donald Trump at ni Dana White

FILE PHOTO: Nakikinig si U.S. President Donald Trump kay UFC CEO Dana White sa UFC Freedom 250 sa South Lawn ng White House sa Washington, D.C., U.S., Hunyo 15, 2026.

REUTERS/Evan Vucci/Pool/File Photo

WASHINGTON — Noong Sabado, sinabi ni US President Donald Trump na hiniling niya kay mixed martial arts promoter Dana White na maging White House press secretary at hinimok itong magsama ng ilang fighter bilang mga katulong, “kahit ang ilan sa kanila ay hindi mula sa ating bansa (even though some are not from our country)."


Si White, ang chief executive ng Ultimate Fighting Championship (UFC), ay isang “marahas na fighter at mandirigma (violent Fighter and Warrior)," ayon kay Trump sa isang post sa Truth Social.


Hiniling din ni Trump na sumama kay White ang anim na kasalukuyan o dating kampeon ng UFC, kabilang ang dalawang atleta mula sa rehiyon ng Dagestan sa Russia na sina Islam Makhachev at Khabib Nurmagomedov; ang mga Amerikanong sina Justin Gaethje, Daniel Cormier at “Kayla Harris,” na malamang na tumutukoy kay Kayla Harrison; at si Amanda Nunes, na tubong Brazil at naging mamamayan ng US noong nakaraang taon.


“Kailangan natin ang mga taong ito upang ipagtanggol tayo laban sa mga baliw na nasa Kaliwa (We need these people to defend us against the Lunatic Left),"  isinulat ni Trump.


Sa isang press conference noong Sabado sa London, matapos ang isang boxing event, sinabi ni White na makikipagkita siya kay Trump sa White House sa Lunes.


Bakante ang posisyon ng White House press secretary matapos magtapos noong nakaraang buwan ang panunungkulan ni Katie Zacharia na wala pang isang linggo. Pinalitan ni Zacharia si Karoline Leavitt, na umalis sa posisyon noong katapusan ng Agosto.


Unang nagtrabaho nang magkasama sina White at Trump noong unang bahagi ng dekada 2000, nang magdaos ang Taj Mahal casino ni Trump ng ilang UFC event. Gayunman, mas naging malapit silang magkaalyado matapos hayagang suportahan ng pinuno ng UFC ang kampanya ni Trump sa pagkapangulo noong 2016.


Sa mga nakaraang taon, dumalo si Trump sa ilang UFC event. Noong Hunyo, nagdaos naman ang White House ng isang gabi ng mga laban sa UFC bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-250 anibersaryo ng kalayaan ng US.


May dati nang tagapagsalita ng UFC sa White House press office—si Steven Cheung, direktor ng komunikasyon ng White House, na nagtrabaho para sa organisasyon ni White mula 2013 hanggang 2016.


Pag-uulat nina Susan Heavey at Karen Brettell; Karagdagang pag-uulat ni Jarrett Renshaw; Karagdagang pagsulat ni Noel Randewich; Pag-edit nina Sergio Non, Cynthia Osterman, Alistair Bell at Andrea Ricci/Reuters.





bottom of page