top of page

Hilagang Korea, nagpaputok ng nasa 10 ballistic missile patungo sa karagatan sa silangang baybayin — Seoul

Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network

October 29, 2026 at 9:39:51 AM

Larawan ng taktikal na ballistic missile

Isang taktikal na ballistic missile ang inilunsad sa isang pagsubok sa Hilagang Korea noong Oktubre 12, 2026, ayon sa Korean Central News Agency (KCNA), sa larawang inilabas ng opisyal na ahensiya ng balita ng bansa.

Reuters

Nagpaputok ang Hilagang Korea ng nasa 10 short-range ballistic missile patungo sa karagatan sa silangang baybayin nito nitong Huwebes, ayon sa Joint Chiefs of Staff (JCS) ng South Korea.


Inilunsad ang mga missile bandang alas-12:30 ng tanghali (0330 GMT) mula sa lugar sa paligid ng Wonsan, sa silangang baybayin ng Hilagang Korea, ayon sa pahayag ng JCS.


Pinalakas ng militar ng South Korea ang pagbabantay at nanatiling nakahanda sakaling magkaroon ng karagdagang paglulunsad ng missile. Patuloy rin itong nakikipagpalitan ng impormasyon sa Estados Unidos at Japan, dagdag nito.


Ayon sa Yonhap News Agency, sinabi ng Ministry of Defense ng Japan na naglunsad ang Hilagang Korea ng isang bagay na maaaring ballistic missile at bumagsak ito sa labas ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Japan.


Sinabi rin ng Japan Coast Guard kanina na ang inilunsad na projectile ay maaaring ballistic missile at bumagsak na sa dagat.


Huling nagpaputok ng mga ballistic missile ang Hilagang Korea noong Oktubre 12, sa gitna ng tumitinding tensiyon sa hangganan ng dalawang Korea kaugnay ng pagsabog ng mina noong nakaraang buwan na ikinasugat ng mga sundalong South Korean.


Nagsagawa ang Pyongyang ng mga pagsubok sa missile sa mahigit 10 pagkakataon ngayong taon.



bottom of page