Hari ng Jordan, iniutos ang mahigpit na pagtugon matapos ang pamamaril sa simbahan
Isinalin ng Sari Story Network
October 26, 2026 at 1:28:28 AM
HAMOUD, Jordan — Iniutos ni Haring Abdullah ng Jordan noong Sabado sa mga puwersang panseguridad na kumilos nang may “mahigpit na kamay” habang hinahanap ng mga awtoridad ang mga armadong salarin na pumatay sa siyam na katao sa isang funeral service sa simbahan.
Ilang minuto ring nagpaputok ang mga salarin sa simbahan sa lalawigan ng Karak noong Biyernes, sa kasagsagan ng araw. Sugatan din ang 40 katao sa pambihirang pag-atakeng ito laban sa minoryang Kristiyano sa Jordan.
Pinaigting ang seguridad sa mga shopping mall, embahada ng mga dayuhang bansa at iba pang lugar sa buong bansa, ayon sa Embahada ng Estados Unidos sa Amman.
“NAGKAROON NG PAGKATARANTA”
Ikinuwento ng isang pari kung paano nila inutusan ang mga tao na dumapa sa loob ng Saint George's Greek Orthodox Church, na matatagpuan may 120 kilometro (75 milya) sa timog-kanluran ng kabisera na Amman.
“Binalot ng matinding takot ang mga taong naroroon (A sense of panic took hold among those present),” sinabi ni Theodoros Soueiss sa Reuters. “Walang pinipiling puntirya ang mga putok ng baril, at hindi mo alam kung saan maaaring tumama ang isang bala (The gunfire was indiscriminate, and you never knew where a bullet might land).”
Kinondena ni Haring Abdullah ang “kasuklam-suklam na teroristang pag-atake” sa isang pulong ng National Security Council. Ayon sa maharlikang korte, sinabi ng hari na walang puwang ang pagpapaluwag sa pananagutan kapag buhay ng mga Jordanian ang nakataya.
Bihira ang ganitong mga pag-atake sa Jordan, isang bansang medyo matatag sa Gitnang Silangan. Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na napigilan nila ang ilang planong pag-atake ng mga grupong Islamista nitong mga nakaraang taon.
Wala pang grupong umaako sa pananagutan sa pag-atake sa kaharian, na isang pangunahing katuwang ng Estados Unidos sa paglaban sa mga militanteng grupo.
Sinabi ng mga opisyal na maaga pa upang matukoy kung may kaugnayan ang mga salarin sa mga kilalang grupo sa loob o labas ng Jordan.
“Isang masaker, isang masaker sa lahat ng kahulugan ng salita (A massacre, a massacre in every sense of the word,),” sinabi ni Tarek Ammarin sa isang ospital kung saan ginagamot ang mga sugatan. Isa sa mga kamag-anak ni Ammarin ang nasugatan sa pag-atake.
Minorya lamang sa populasyon ng Jordan ang mga Kristiyano. Matatagpuan din sa bansa ang ilang lugar na binabanggit sa Bibliya na dinarayo ng mga Kristiyanong peregrino mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Kabilang ang Jordan sa mga kaalyado ng Estados Unidos sa Gitnang Silangan na inatake ng Iran ngayong taon, matapos maglunsad ng mga pag-atake ang Estados Unidos at Israel laban sa Iran noong Pebrero.
Kasama si Bahjat al-Rushda, alkalde ng nayon ng Shihan sa Karak, sa maraming opisyal na kumondena sa insidente at tumawag dito bilang pag-atake ng mga teroristang ekstremista.
“Sa awa ng Diyos, mananatiling ligtas ang bansang ito (God willing, this country will remain secure),” aniya.

